Hindi kailanman aayunan ng Simbahang Katoliko ang pagsulong ng death penalty sa bansa, ayon sa isang pari, habang iginiit naman ng isang obispo na anti-poor ang parusang kamatayan.

Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)-Permanent Committee on Public Affairs, hindi maaaring maitama ang isang mali ng isa pang pagkakamali.

Paliwanag ng pari, hindi lamang ang mga biktima ang may karapatan kundi maging ang mga akusado.

“Una ‘yung victim, dapat ang justice diyan ay ma-apprehend mo, maparusahan mo, pero hindi natin ina-advocate na patayin mo. Ang prinsipyo diyan ay ganito, you do not make a wrong deed by doing another wrong act. Ang pagpatay ng isang kriminal ay mali na ‘yun, pero kung papatayin mo rin ang kriminal, e, hindi mo na naitama ‘yung sistema,” pahayag ni Secillano sa panayam ng Radyo Veritas.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Dagdag pa ni Secillano, dapat ding tingnan ng pamahalaan ang ilang umiiral na sistema ng batas kung bakit dumarami ang karumaldumal na krimen, lalo na ang pagpapatupad sa batas.

Samantala, sinabi naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na hindi parusang kamatayan ang katumbas sa mga nagkasala kundi ang paghuli at paghatol sa mga akusado ang solusyon sa problema ng malawakang kriminalidad.

Ayon kay Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, wala namang nahuhuli at nahahatulan sa mga lumalabag sa batas, lalo na ang tinatawag na ang high-profile criminals na kayang bayaran ang batas.

“Kawawa na naman diyan ang mga mahihirap na walang pambayad sa mga abogado, ngayon ang mga high-profile natin ‘yung mayayaman na mga kriminal na gumawa ng masama ay special ang treatment sa kanila.

Hindi ba mangyari iyan sa death penalty?” ayon sa obispo.

Dagdag pa ni Pabillo, walang karapatan ang sinuman na kumitil ng buhay na mula sa Panginoon.

Muling nabuhay ang isyu sa death penalty matapos ang karumal-dumal na pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache, na umaming dati siyang anti-death penalty law ngunit ngayon ay kinukuwestiyon niya ang kanyang paninindigan dahil sa nangyari sa kanyang ina.