INCHEON- Lumaban si Jean Claude Saclag na namamaga ang kanang paa ngunit ayaw niyang sabihin na isa itong dahilan matapos ang kanyang pagkatalo kay Chinese Kong Hongxing sa men's -60 kilogram final sa wushu sa 2014 Asian Games sa Incheon, Korea.

"Tala gang magaling 'yung Chinese. Mas marami siyang puntos," saad ng 20-anyos na si Saclag na bumagsak sa dalawang rounds.

Sinabi ni Saclag na natamo niya ang pananakit ng kanang paa sa kasagsagan ng kanyang quarterfinal bout kay Indonesian Hendrick Tarigan.

"Kahit hawakan lang masakit. So hindi ko na ginamit kamakalawa,” pahayag nito.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa final, sinabi ni Saclag na may isang pagkakataon nang siya’y tamaan at mahilo matapos ang palitan nila ng suntok sa second round.

“Medyo na-groggy ako pero naka-recover agad,” giit nito.

Inakala ni Saclag na nakagawa siya ng magandang bilang sa sariling kampanya sa kanyang ikalawang major tournament.

“Nakakatama rin naman. ‘Yung mga side kick ko. Pero mas marami siyang puntos,” dagdag nito.

Sinabi ni wushu official Jimmy Ong na ginawa ni Saclag ang lahat ng magagawa sa mga itinuro sa kanya ng kanilang Chinese coach.

“Kulang lang talaga sa experience. Pero satisfied naman ang coach niya,” ayon kay Ong. “Matapang ‘yung bata. ‘Yun ang hindi natuturo. Walang kakaba-kaba.”

Si Saclag ay ipinakilala sa wushu ng kanyang nakakatandang kapatid upang ilayo siya sa mga away sa kalye.

“Madalas ako mapaaway. Hindi ko alam kung bakit. Palagi nga natatawag ang parents ko sa school,” inamin nito sa interview.

Sinabi ni Saclag na ‘di pa niya batid kung ano ang gagawin niya sa P500,000 na matatanggap niya sa Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang pag-uwi sa bansa.

“Wala pa sa isip. Baka ipunin ko lang,” ayon dito. Uuwi ngayon si Saclag at iba pang wushu squad na taglay ang 2 silvers at 1 bronze.

“Magpapahinga lang ng kaunti tapos training uli,” giit pa ni Saclag na ang susunod na assignment ay ang World Cup sa Nobyembre. “Hindi ko pa po alam kung saan.”

Ang iba pang wushu medalists ay sina Daniel Parantac na pumangalawang puwesto sa men’s taijiquan at Francisco Solis na nakaakyat sa -56 kg. semifinals.

Ang tatlong medalists ay pawing natalo sa Chinese rivals.

“We’re still happy despite our failure to win a gold. Mahirap talagang kalaban ang mga Chinese,” saad ni wushu secretary-general Julian Camacho.

Sa pagsasara ng wushu competition, kinubra ng China ang 10 sa 15 gold medals, maliban sa pagwawagi ng 2 bronzes.

Ibinulsa ng South Korea ang 2 golds habang ang Iran, Vietnam at Malaysia ay may tig-1 gold.