GUINEA (AFP)— Isang Red Cross team ang inatake habang naglilibing mga bangkay na pinaniniwalaang nahawaan ng Ebola sa southeastern Guinea, ang huli sa serye ng mga pag-atake na humahadlang sa mga pagsisikap na makontrol ang kasalukuyang outbreak sa West Africa.
Isang Red Cross worker ang nagpapagaling ngayon matapos masugatan sa leeg noong Martes sa atake sa Forecariah, ayon kay Benoit Carpentier, tagapagsalita ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies.
Unang nilusob ng mga pamilya ng mga namatay ang anim na volunteer at sinira ang kanilang mga sasakyan, ayon kay Mariam Barry, isang residente. Kasunod nito sinugod nila ang regional health office at pinagbabato ang gusali.
Ang atake ang huli sa serye ng problema ng mga grupo na nagtatrabaho para ligtas na mailibing ang mga bangkay, magkaloob ng impormasyon tungkol sa Ebola at ma- disinfect ang mga publikong lugar. Ang pinakanakagigimbal ay ang pagdukot at pagpatay noong nakaraang linggo sa Guinea ng walong katao, mga health worker nagbibigay ng kaalaman sa mga tao tungkol sa Ebola at mga mamamahayag na sumasama sa kanila.