Hindi pa nakakakuha ng podium finish sa singles events, patuloy na naghihikahos ang Pinoy bowlers kahapon, at hindi natulungan ang Pilipinas sa paghabol nito sa inaasam na gold medal sa kalagitnaan ng 17th Asian Games.

Ang beteranong si Frederick Ong at rookie na si Enrico Lorenzo ang naging best-placed local tandem sa morning play ng men's doubles sa Anyang Hogye Gymnasium nang makakuha ng 1218 at 1131, ayon sa pagkakasunod, para sa kabuuang 2349 upang pumangwalo, may 153 pins pagka-iwan sa likod ng nangungunang Japanese duo.

Nakakuha si Yoshida Daisuke ng 1283 pinfalls sa anim na games habang si Sasaki Tomoyuki ay nagdagdag ng 1219 para sa pinagsamang 2502 at ang provisional lead patungo sa afternoon session kung saan ang local tandem ni dating world champion Biboy Rivera at rookie na si Kenneth Chua ay nakatakdang maglaro.

Ang isa pang Pinoy tandem nina Benshir Layoso at rookie na si Jo Mar Jumapao ay nagtambal para sa 2169 pinfalls para sa ika-19 na puwesto pagkatapos ng morning session.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nakuha ng Thailand at Chinese-Taipei ang unang dalawang gintong medalya sa men's at women's singles, ayon sa pagkakasunod, at may 10 pang nakasalalay sa doubles, trios, team of five, all events, at Masters.

Ibinigay ni dating Asian champion Larp Apharat sa Thailand ang una nitong gold medal nang manguna sa men's singles event sa kanyang 1390 total sa six games para sa 219.83 average, at magaan na natalo sina Du Jianchao ng China (1300) at kakamping si Sithipol Kunakson (1299).

Nangibabaw naman si Chou Chia Chen ng Chinese-Taipei sa women's singles sa kanyang 1291 pinfalls matapos ang anim na laro, habang si Jazreel Tan ng Singapore at Lee Nayoung ng Korea ang kumuha ng silver at bronze medals sa kanilang pinfalls na 1277 at 1272, ayon sa pagkakasunod.

Si Ong ang naging best Pinoy finisher sa men's singles sa kanyang 1228 pinfalls, sinundan ni Lorenzo (1215), Chua (1171), Layoso (1160), Rivera (1158), at Jumapao (1098).

Nakakuha naman si Marian Lara Posadas ng 1158 pinfall sa sa women's singles, habang 1150 ang kay Liza del Rosario. Ang ibang resulta naman ay ang pagkuha ni Marie Alexis Sy ng 1128, kasunod ni Liza Clutario (1102), Krizziah Tabora (1067), at Anna Marie Kiac (1060).

Samantala, nabigo naman sa semifinals ang compound men's team sa host Korea, 227-228, sa archery. Makakaharap ng Pilipinas ang Iran sa kanilang sunod na laban para sa pagkakataong maisalba ang bronze medal.