EAC-vs-Mapua-bench-clearing_01pionilla-copy-550x366

Hindi naging sapat ang parusang ipinataw ng NCAA Management Committee sa itinuturong nagpasimula ng gulo na si John Tayongtong sa nakaraang rambulang nangyari sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College (EAC) at Mapua sa second round ng NCAA Season 90 basketball tournament.

Ito ang iginiit ni Mapua Cardinals coach Atoy Co makaraang lumabas ang mga parusang ipinataw sa lahat ng sangkot sa nasabing gulo.

“Tingin ko, that 5–game suspension is not enough. Dapat siyang i-declare na persona-non-grata ng liga,” ang nagpupuyos sa galit na si coach Co.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Paano niya maisi-serve ‘yung tatlong games e mayroon na lamang silang dalawang remaining games. Siguro kung mayroon pa siyang playing years puwede pa e ang kaso graduating na siya,” ayon pa sa dating PBA legend. Nais ng Mapua mentor na kung maari ay repasuhin ng ManCom ang kanilang naging unang desisyon.

“Sana kung last year ginawa ang manuntok ka, dapat persona non grata ka. Para you cannot attend all NCAA functions and you can’t even be an assistant coach (in the future),” dagdag nito.

Ayon naman sa ManCom, kung graduating na ang isang player at hindi na nito mai-serve ang kanyang suspensiyon ay pagmumultahin na lamang ito.

Ngunit walang malinaw kung magkano ang multa na ipapataw.

Hindi rin nagustuhan ng Mapua coach ang ipinataw na 4-game suspension kay Gabo dahil ang tanging ginawa lamang naman aniya nito ay itinulak si Tayongtong bilang pagbawi sa ginawa ng unang pagsiko kay CJ Isit na kinalaunan ay sinuntok pa nito na siyang naging ugat ng “free-for-all”.

“Hindi naman siya ang nagsimula ng gulo. Nang suntukin ni Tayongtong si Isit doon lang nagpasukan ang mga player,” ayon pa kay Co kasabay ang paglilinaw na hindi naman niya kinukunsinti ang ginawa ng kanyang manlalaro.