Iginiit ng pamilya ng dalawang nawawalang estudyante ng University of the Philippines (UP) na sina Karen Empeno at Sheryln Cadapan sa hukuman na ilipat si retired Army Maj.Gen. Jovito Palpalaran sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Kahapon, naghain ng mosyon sa Malolos Regional Trial Court Branch 14 ang abogado ng kaanak ng dalawang biktima na si Atty. Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers, upang mapadali ang paglilipat ng kulungan kay Palparan.
Paliwanag ng abogado, wala na sa serbisyo sa pamahalaan si Palparan kung kaya dapat lamang itong maikulong sa regular na detention center habang nililitis ang kanyang kaso.
Binigyang diin ni Olalia na hindi na saklaw ng Articles of War ang ginawang krimen ni Palparan subalit isang ordinaryong krimen.
Inihayag pa nito na may mandato ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na pangalagaan ang mga high-profile detainee, katulad ni Palparan.