SA susunod na buwan, ibabalik ng GMA Network sa mga manonood ang masasayang karanasan ng ating kabataan kasama ang ating mga kaibigan at hihimukin tayo para lumikha pa ng magagandang alaala sa pamamagitan ng pinakabagong afternoon drama series na Yagit.
Magbibida sa remake ng Yagit ang pinakabagong child wonders na sina Chlaui Malayao, Zymic Jaranilla, Judie Dela Cruz, at Jemwell Ventinilla na gaganap bilang Eliza, Ding, Jocelyn, at Tomtom, ang mga karakter na naging bahagi ng buhay ng mga Pilipino dalawampung taon na ang nakalipas at tiyak na muling mamahalin ng kasalukuyang henerasyon.
Gaganap bilang Eliza Macabuhay si Chlaui Malayao na nakilala sa memorable na pancit canton TV commercial. Madaling mapapansin at mamahalin ng tao si Chlaui na may mala-anghel na mukha at masayahing personalidad na bumagay lalo sa karakter ni Eliza, ang mapagmahal na anak ni Dolores Macabuhay na gagampanan ni Yasmien Kurdi.
Si Zymic Jaranilla naman ang gaganap bilang Ding Reyes, ang madiskarteng bata Eliza, Jocelyn, at Tomtom. Madamdaming gumanap si Zymic na inaasahang agad na magugustuhan ng mga manonood.
Gaganap naman bilang ate at kuya ng mga Yagit sina Judie dela Cruz at Jemwell Ventinilla, ang magkapatid na pinsan ni Eliza na sina Jocelyn at Tomtom Macabuhay. Mabait na bata si Judie na mahilig umawit at umarte. Bibo naman si Jemwell na swak sa karakter ng malusog na batang si Tomtom.
Magkakasamang patutunayan ng apat na baguhang child performers na ito kung paano maaapektuhan ng kanilang pagkakaibigan ang positibong pananaw nila sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Sasamahan din sila ng masayahing batang si Steph Yamut mula sa Cebu na gaganap sa papel ng English/ Tagalog at Cebuano-speaking girl na si Tiffany.