Posibleng hindi makalaro ang mga dayuhang manlalaro sa gaganaping ikatlong komperensiya ng Shakey’s V-League dahil sa sinusunod ang proseso ng internasyonal na asosasyon sa volleyball na Federation International de Volleyball (FIVB).
Ito ang napag-alaman ng Balita sa Philippine Volleyball Federation (PVF) noong Miyerkules kung saan ay ipinadala ng FIVB, sa pamamagitan ng e-mail, ang isang sulat kahilingan na mula sa Sports Vision Management Group, kasama ang kopya sa Thailand Volleyball Association, na humihiling na makahiram ng anim na manlalaro.
Nauna nang sumulat ang Sports Vision kay Somporn Chaibangyang, presidente ng TVA at sa International Transfer ng FIVB, upang mahiram ang mga manlalaro na sina Wanida Kotrueng, Wasana Sawangsri, Hyapha Amporn, Saengmuang Patcharee, Utaiwan Kaensing at Sontaya Keawbundit.
Gayunman, ibinalik ni Carlos Roberto de Assis, FIVB International Transfer Coordinator, ang sulat upang ipaalala sa TVA at PVF ang sinusunod na proseso ng internasyonal na asosasyon sa pagpapahiram ng mga manlalaro.
“The Philippine’s Federation must to send a request to AVC/ FIVB for an authorization to start the national league prior of 15th October 2014 with participation of foreign players,” sinabi ni Assis.
“All foreign players must to have a valid ITC,” sabi pa nito.
Base sa sulat ng Sports Vision na nakatakda nilang simulan ang 3rd Conference ng Shakey’s V-League ngayong Setyembre 28 kung saan ay kalahok ang anim na Thai volleyball players bilang import.
Tampok sa Shakey’s V-League ang mga koponang Ateneo Lady Eagles, Cagayan Valley Lady Rising Suns, NU Lady Bulldogs, Philippine Air Force Air Spikers, Philippine Army Lady Troopers, Philippine National Police Lady Patrollers, PLDT Home Telpad Turbo Boosters at UP Lady Maroons.