MASAMA itong ibinabalita pa ng media ang ukol sa napakalaking salapi na hindi pa napapanalunan sa lotto. Hinihikayat kasi nito ang mamamayan na tumaya at magsugal. Ang halos biktima nito ay mga dukha. Sila ang higit na nag-aambisyong yumaman at mahango sa kahirapan. Kaya, tignan ninyo ang nangyayari. Kakainin na lamang ng pamilya, itinataya pa sa lotto. Mayroong isang tricycle driver na halos hindi na nagpapahinga para makarami ng pasada at kumita.
Gusto niyang kumita nang malaki dahil nais niyang marami ang mapaglabu-labo niyang mga numero upang lumaki ang tsansa niyang manalo. Itinotodo pa niya ang lahat ng kanyang kita sa araw ng bolahan kahit pagkaitan na niya ang kanyang pamilya. Paano ang mga walang pinagkakakitaan na nais ding yumaman nang bigla na siyang mali at mandarayang pangako na ibinibigay ng lotto, eh gagawa ang mga ito ng kawalanghiyaan para may pantaya.
Sa mga bansang nagbuhat sa abo ang kanilang pag-asenso at ngayon ay maunlad na, ang unang ginawa nila ay inalis ang sugal. ganito ang ginawa ng China nang makuha ni Mao Tse Tung ang kapangyarihan mula sa Komintang. gusto kasi ng mga bansang ito na habang inaayos at inilalatag ang mga batayan ng kanilang pagbangon ay katuwang nila ang kanilang mamamayan. Ang mamamayan ay nagtatrabaho para sa kanilang bayan. Ang bunga ng kanilang pinaghihirapan ay kumakalat sa lahat at sama-sama nilang tinatamasa ito. Binuwag ang mga bagay na maglalagay sa iilang kamay ang biyaya at kayamanan ng bansa. Kaya ang sugal ay ipinagbawal dahil ito ang nagpapabagal ng pag-unlad. Ang mamamayan ay iniaasa ang kanilang kapalaran sa kung ano ang ibibigay ng sugal. Isa pa, ang sugal ang naglalagay sa iisa o iilang kamay ang naipong pera galing sa mananaya tulad ng lotto bilang premyo. Ang kinikita naman ng gobyerno mula rito, sa mga tiwaling opisyal nito, ay gagamitin lamang para sa kanilang pansariling interes.