Nagpasya ang Committee on Transportations sa Kamara na payagang makapasok ang ng Metro Manila ang mga provincial bus mula sa Bicol kasunod ng pagdulog ni Albay Governor Joey Salceda sa Korte Suprema upang pigilin ang naamyendahang Memorandum Circular 2014-15.
Ang nasabing circular ay nag-uutos sa 236 provincial bus galing sa Southern Tagalog, Luzon, Visayas at Mindanao na hanggang sa South Station Terminal sa Alabang, Muntinlupa City lamang gumarahe at bawal pumasok sa Kamaynilaan upang mapaluwag ang trapiko dito partikular sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Mariing tinutulan ni Salceda ang naturang circular dahil sa negatibong epekto nito sa ekonomiya ng Bicol.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez ang pagbibigay ng apat na oras sa window period na 12:00 ng hatinggabi hanggang 4:00 ng madaling araw sa mga bus mula Bicol ay napagdesisyunan ng komite sa pakikipag-ugnay ng Bicol bus operators at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Lumitaw na karamihan sa mga bus na gumagarahe sa South Station sa Alabang ay galing ng Bicol.