NOONG Setyembre 2013 pa lamang, may mga ulat na tungkol sa katiwalian na kinasasangkutan ng Malampaya Fund na waring karibal ng Priority Development Assistance Fund (pork barrel). Sa pork barrel scam, ang mga huwad na Ngo na nakaugnay kay Janel Lim Napoles ang umano’y mga benepisyaryo. Ang kanyang pagkakasangkot sa Fund sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform ay sinabing nagsimula pa noong 2009.

Ang Malampaya Fund ay binubuo ng mga royalty na nakolekta ng gobyerno mula sa Malampaya Deep Water gas-to-Power project na nagsimula noong 2001. Napapaloob dito ang produksiyion ng natural gas ng BV Royal Dutch Shell, bilang kinatawan ng partners Chevron Corporation at Philippine National oil Exploration Corporation. Nag-isyu si dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Presidential Decree 910 na nagpapahintulot sa paggamit ng pondo para sa energy development at iba pang proyekto na inaprubahan ng Pangulo. Noong 2009, nag-isyu si Pangulong gloria Macapagal Arroyo ng isang executive order na nagpapalawak ng paggamit ng pondo para sa iba pang layunin. Mahigit P900 milyon ang kinuha mula sa pondo upang ayudahan ang mga magsasaka na apektado ng mga bagyong ondoy at Pepeng. gayunman, sinabi ng mga magsasakang benepisyaryo na kailanman wala silang natanggap na ayuda. Sa panahong iyon naging sangkot si Napoles sa pondo at sa DAR. Nang tapusin ni Pangulong Arroyo ang kanyang termino, naiulat na nag-iwan siya ng P136 bilyon sa Malampaya Fund.

May ilang mambabatas sa oposisyon ang gumigiit sa Senate Blue Ribbon Committee, na nag-iimbestiga sa pork barrel fund, na silipin din ang Malampaya Fund sapagkat nasasangkot umano rito ang parehong “modus operandi” at pareho ring mga personalidad. Sinabi ni Rep. Toby Tiangco, secretary general ng United Nationalist Alliance, na ginagamit ng mga senador ng administrasyon ang “delaying tactics” upang maiwasan ang pagsisiyasat sa Malampaya.

Nakansela ang nakatakdang pagbubukas ng imbestigasyon noong Setyembre 25, na ayon kay Senate Blue Ribbon Chairman Teofisto guingona III, hindi makadadalo ang mga resource person mula sa Commission on Audit sapagkat nasa abroad ang mga ito. Sinabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada dapat tinawag ang iba pang resource person. Tinanggihan ni Senator guingona ang mga pahiwatig na may nagtatangkang magtakip.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa isang Senate investigation, maraming katanungan ang magkakaroon ng linaw. Sangkot ba si Napoles sa Malampaya scam, kung mayroon nga nito? Ano ang nangyari sa P136 bilyon na umano’y iniwan ng dating administrasyon? Maaari ba itong gamitin upang maresolba ang napipintong kakapusan sa enerhiya sa 2015? Sinu-sinong opisyal ngayon ang sangkot kung kaya nag-aakusa ang mga leader ng oposisyon na may nagtatakip?

Umaasam tayo sa pagbubukas ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.