VIVA, LA FILIPINA! ● Napabalita na nakasama na sa Top 6 ang isang Pinay na teenager sa X Factor Australia. Napahanga ni Marlisa Punzalan, 14, ang mga judge sa mahigpit na labanan sa vocal gymnastics at mapalad na nakasama sa Top 6 ng naturang timpalak. Si Marlisa ang pangalawang kalahok na naituring “safe” sa elimination, kasunod ng kapwa kalahok na Brothers 3. Humanga ang mga judge sa rendisyon ni Marlisa ng hit song ni Pink na “Try” na umani ng mga papuri mula sa mga judge na sina Natalie Bassingthwaighte at Redfoo.

“What a moment – Marlisa standing there and she was incredible! I’m so proud of you. That performance was electric” ani ng kanyang mentor na si Ronan Keating. Sa mura edad, lingid sa kaalaman ni Marlisa na pansamantala niyang “winawalis” niya ang masalimuot at maruruming balita sa bumabalot sa daigdig ng pulitika at ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas sa tagisan ng galing sa pag-awit sa bahaging iyon ng daigdig.

WISH YOU WUSHU GOLD ● Isa pang atletang Pinoy ang napabalitang pumasok sa gold medal round sa wushu. Dumating na ang oportunidad para kay Jean Claude Saclag upang masungkit ang mailap na gintong medalya sa idinaraos na 2014 Asian Games. Tinalo ni Jean Claude si Narender Grewal ng India sa score na 2-0 sa semifinals. Ito na ang pagkakataon ni Jean Claude para makamit ang ginto kung matatalo niya si Kong Hongxing ng Hong Kong sa Sanda event. Sa naunang labanan, katiting lamang ang lamang ng kalaban ni Daniel Parantac kung kaya siya ang itinanghal bilang silver medalist sa tajiquan event. Isa pang Pinoy, si Francisco Solis, ang nakakuha ng bronze medal matapos namang umurong sa kanyang match kontra Zhao Fuxiang sa Sanda event. Ilan lamang sina Marlisa Punzalan, Jean Claude Salag, Daniel Parantac, Francisco Solis sa latest na mga kabataang Pinoy na nagpakitang gilas sa iba’t ibang larangan upang magdulot ng ibayo at mas masidhing karangalan para sa Pilipinas. Marami pa... maraming marami pang kabataang Pinoy ang magtatala ng sarili nilang mga pangalan sa iba’t ibang sangay ng kahusayan at talino sa buong mundo! Ang performance ng mga Pinoy, tunay ngang world class!
National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists