ATOY-co-550x389

Gaya ng inaasahan, mabigat na kaparusahan ang ipinataw ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa lahat ng mga manlalarong sangkot sa nangyaring bench-clearing incident sa laban ng Emilio Aguinaldo College (EAC) at Mapua noong nakaraang Lunes sa ginaganap na NCAA Season 90 basketball tournament.

Labingpitong players mula sa dalawang koponan ang napatawan ng kaukulang parusa dahil sa pagkakasangkot nila sa naturang kaguluhan.

Nakatanggap ng pinakamatinding parusa ang EAC point guard na si John Tayongtong matapos patawan ng limang larong suspensiyon nang kanyang patumbahin sa pamamagitan ng suntok si Mapua point guard CJ Isit.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Kasama niyang napatawan ng suspensiyon ang mga kakamping sina Jan Jamon, Ariel Aguilar at Jack Arquero na binigyan ng tatlong larong suspensiyon habang napatawan naman ng tig-dalawang larong suspensiyon ang iba pa nilang mga kakampi na sina John Santos, Manelle Quilanita at Edsel Saludo.

Napasama din sa nasuspinde ang isa pa nilang teammate na si Faustine Pascual na binigyan ng one-game suspension.

Kaugnay ng nasabing kaguluhan, hindi rin pinaligtas ni NCAA Commissioner Bai Cristobal ang tatlong referees na tumakbo sa nasabing laro dahil sa kanilang naging kapabayaan.

Napatawan ng indefinite suspension ni Cristobal ang mga reperi na sina Molly de Luna, Menard Ballecer at Cholo Caoile.

“The ManCom condemns in the highest level the unfortunate incident that occured in the Mapua-EAC game,” pahayag ni Season 90 management committee chairman Paul Supan ng season host Jose Rizal University (JRU). “Hooliganism has no place in an established league like the NCAA.”

Sa panig naman ng Cardinals, nakakuha ng pinakamabigat na kaparusahan ang guard na si Leo Gabo dahil sa pagpapasimula nito ng gulo nang kanyang itulak si Tayongtong.

Pinatawan si Gabo ng apat na larong suspensiyon habang pinagkalooban naman ng 3-game suspension ang kakampi niyang si Jomari Tubiano at tig-dalawang laro sina Justin Serrano, James Galoso, Exeqiel Biteng at Andoy Estralla.

Nakatanggap din ng 1-game suspension ang iba pa nilang teammates na sina Jerome Canaynay, Ronnel Villasenor at Darrel Magsigay.

Tanging sina Jerald Serrano, Christ Mejos, Ai Indin at Jozhua General ng Generals at sina Jessie Satianan, Joseph Eriobu, Jeson Cantos at Isit naman sa Mapua ang hindi nasuspinde.

May tig-dalawa na lamang larong nalalabi sa second round at kapwa wala na rin sa kontensiyon para sa Final Four, posibleng i-forfeit na lamang ng dalawang koponan ang kanilang mga nalalabing laban, ang EAC kontra sa University of Perpetual Help bukas at San Sebastian College sa Lunes habang ang Mapua naman ay laban sa Letran sa Lunes at JRU sa susunod na Biyernes (Oktubre 3).

Kaugnay ng nasabing gulo, hindi lamang suspensiyon ang kinakaharap ni Tayongtong dahil nagdeisyon si Mapua coach Atoy Co na sampahan siya ng kaukulang kaso dahil sa pananakit kay Isit.

Kinumpirma ng basketball legend na maghahain sila ng reklamo kay Tayongtong sa korte dahil sa panununtok nito kay Isit na siyang nagsimula para magkaroon ng “free-for-all” sa nasabing laban.

“Yes I ‘m going to sue him to teach him a lesson,” ani Co.

“Maling-mali iyong ginawa niya. Siya ang nag-instigate ng lahat. Siya pa ang naunang sumuntok. At kung makikita ninyo, nakababa naman iyong kamay ng player ko,” dagdag pa nito.

“Hindi naman siya nagtangkang sumuntok, ‘di ba?. Feeling ko naargabyado player ko, kaya I’ll bring him (Tayongtong) to court.”

Samantala, hindi pa dito natatapos ang kinakaharap na problema ng EAC matapos magpahayag ang kanilang pamunuan na magsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon sa pangyayari.

"Obviously, at this point everyone is frustrated looking at a forgettable basketball season coming to an end soon. Frustration sets in not only among the players, coaches, but also with sports officials of the school. And this is what these recent complaints are all about. This frustration reached its peak when the team got involved in a fight with the Mapua Cardinals Team and things got out of control. There is no excuse for violent behaviour and EAC will conduct its own investigation of the incident and eventually impose sanctions to its players involved,” pahayag ni Atty. Jose Noel Estrada, ang vice president for external affairs ng EAC sa kanyang ipinadalang statement.

“After all, these players are foremost students who, more than every one else in EAC, are expected to exemplify and embody school discipline off-campus. Finally, maybe we thought we could have done better this season. But this is not about looking for who to blame. But I assure you that EAC will evaluate everything during the off-season, all issues-on and off court. We will try to bounce back and try to be a better EAC team next year,” dagdag pa nito.