Hindi humuhupa, at tila lalo pang tumitindi, ang mga agam-agam hinggil sa mga salot sa lipunan: Ang krisis sa elektrisidad at ang tumaas-bumabang presyo ng mga produkto ng petrolyo. Patuloy na namamayagpag ang mga may monopolyo ng naturang mga negosyo na laging manhid sa kalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan.
Ang nabanggit na mga salot sa lipunan ang dapat pagtuunan ng pagtimbang ng mga mambabatas sa pagkakaloob ng kapangyarihang pangkagipitan o emergency power kay Presidente Aquino. Siya mismo ang dumulog sa Kongreso sa hangaring mapaghandaan ang nagbabantang matinding kakapusan ng elektrisidad sa bansa, lalo na sa Mindanao na laging ginagambala ng salit-salit o rotational brownouts.
Kailangan ng Pangulo ang maituturing na kamay na bakal sa paglutas sa naturang krisis na lalo pang titindi sa susunod na taon. Ang naturang kapangyarihan na itinatadhana ng isang batas – ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) – ay isang paraan upang repasuhin ang mga nakapagdududang mga planta na sinasabing nagpapalubha sa krisis sa energy. Kabilang sa mga ito ang mga independent power producer (IPP) na nagpasasa noong nakalipas na administrasyon. Hindi ko matiyak kung paano maisasagawa, subalit kabilang ako sa mga naniniwala na kailangan nang pawalang-bisa ang EPIRA law upang bumalangkas na lamang ng ibang batas na magiging angkop sa kasalukuyang pangangailangan. Sa gayon, malilipol ang nasabing mga planta na wala nang silbi ay nakapagpapalubha pa ng krisis sa kuryente.
Hindi ko rin matiyak kung may lohika ang paggamit ni Presidente Aquino ng nasabing kapangyarihan sa paghiling sa Kongreso na buwagin na rin ang Oil Deregulation Law (ODL) na isa pang salot sa lipunan. Ang batas na ito ang sinasandigan ng ilang gahamang oil corporation sa pagpapahirap sa sambayanan; sila ang nasusunod sa pagtatakda ng presyo ng kanilang mga produkto kahit na ang ganitong masakim na pagnenegosyo ay masyadong nakapeperhuwisyo sa sambayanan, lalo na sa mga maralitang angkan. Nakatali ang kamay ng gobyerno sa ganitong uri ng pagsasamantala ng mga negosyante. Panahon nang lipulin ang naturanang mga salot sa lipunan.