Nabigo si Jean Claude Saclag na maregaluhan ang sarili ng gintong medalya isang araw bago ang ika-20 kaarawan nang matalo kay Kong Hongxing ng China matapos ang dalawang round sa finals ng Men’s Sanda -60kg event sa Wushu sa ginaganap na 17th Asian Games sa Incheon, South Korea.

Bagamat nagawang makipaglaban ng sabayan, hindi naman ito naging sapat upang maungusan ni Saclag ang Chinese champion na wala ni isang naipatalong round sa Ganghwa Dolmens Gymnasium.

Napabagsak ni Hongxing si Saclag sa second round na gamit ang kanyang epektibong counter attacks upang maibulsa ang gold habang nagkasya si Saclag para sa silver.

Sa pagkuha ni Saclag ng ikalawang puwesto, umangat ang medal tally ng Pilipinas sa Games sa dalawang silver at isang bronze, ang lahat ay mula sa Wushu. Ang tanso ay nanggaling kay Francisco Solis na napilitang umatras sa laban sa semifinals dahil sa isang rib injury.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, pinag-init ni Southeast Asian Games gold medalist Mario Fernandez ang kampanya ng mga boksingero matapos nitong biguin ang nakatapat na si Donchai Thathi ng Thailand, 3-0, sa Round of 32 ng Boxing event.

Itinala ni Fernandez ang kabuuang 29-28, 29-28 at 30-27 iskor mula sa tatlong judge upang makausad sa Round of 16 ng Men's Light (60kg)

Sasabak na rin ngayon ang mga pambato ng bansa sa Triathlon sa pagsasagawa ng men at women’s finals sa Songdo Central Park Triathlon Venue.

Sasagupa sa women’s finals sina Ma. Claire Adorna at Marion Kim Mangrobang habang sa men’s division ay sina Jonard Saim, John Leermas Chicano at Nikko Huelgas.

Papalo na din ang men at women’s team ng bansa sa Golf na binubuo nina Kristoffer Arevalo, Ruperto Zaragosa III, Raymart Tolentino at Justin Raphale Quiban kasama sina Pauline Beatriz Del Rosario, Princess Marie Superal at Claire Amelia Legaspi.

Umalis naman kahapon ang 9-kataong koponan ng athletics na binubuo nina Christopher Ulboc Jr., Eric Shawn Cray, Henry Dagmil, Edgardo Alejan Jr., Archand Christian Bagsit, Julius Nierras Jr. Isidro Del Prado Jr., Jesson Ramil Cid at natatanging babae sa delegasyon na si Marestella Torres.