Ni NINO N. LUCES

LEGAZPI CITY, Albay – Posibleng makaapekto ang total lunar eclipse sa Oktubre 8 sa kasalukuyang aktibidad ng Bulkang Mayon—isang bagay na maaaring magbunsod ng pagsabog nito, sinabi kahapon ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) resident volcanologist Ed Laguerta.

Sa press briefing kahapon sa Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), ipinaliwanag ni Laguerta na nagdudulot ang lunar eclipse ng gravitational pull sa magma na posibleng lumikha ng pressure sa ilalim ng lupa at magpasigla sa aktibidad ng bulkan na maaaring magresulta sa pagtaas ng dagat o sa tuluyang pagsabog ng bulkan.

Ayon kay Laguerta, 34 na bulkan sa mundo ang nasa estado ng pagsabog, at isa ang Mayon sa mga ito.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Batay sa record ng National Aeronautics and Space Administration (NASA), may nangyaring lunar eclipse bago ang mapaminsalang Plenian eruption noong Pebrero 1, 1814 at 1984.

Samantala, hindi naman tinalakay ng Phivolcs ang tungkol sa mga posibleng epekto ng “red blood moon” o total lunar eclipse o ang paghahanay ng Araw, Buwan at Earth.

Paglilinaw ni Laguerta, isa lamang ito sa ilang factor na maaaring magbunsod ng pagsabog ng Bulkang Mayon, at tinututukan pa rin ng Phivolcs ang mga naitala ng kanilang mga equipment para masabing sasabog na nga ang bulkan.