Laro ngayon: (Setyembre 25) (Hwaseong Sports Complex Gymnasium)

1:00 pm Philippines vs Iran

Halos isang taon na ang nakalipas nang malasap ng Pilipinas ang kabiguan kontra sa Iran para sa gintong medalya sa FIBA Asia Championships na isinagawa dito sa bansa.

Muli na namang maghaharap Pilipinas at Iran sa ganap na ala-1:00 ng hapin ngunit ang nakataya rito ay dignidad upang mabatid kung sino ang mas tatanghaling mas mahusay na koponan.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Agad na nakasiguro ng puwesto sa quarterfinals ang Pilipinas matapos na biguin ang India, 85-76, sa unang laro sa Group E preliminaries ng basketball event noong Martes sa ginaganap na 17th Asian Games sa Hwaseong Sports Complex Gymnasium.

Kailangan naman ng Iran na makasungkit din ng panalo ngayong hapon kontra sa Pilipinas bago harapin ang India sa panghuli nilang laro.

Bagamat nakaselyo na ang silya sa susunod na labanan, pagkakataon naman ng Pilipinas makabawi sa Iran bago tumuntong sa matira-matibay na labanan.

Kapwa nakapaglaro sa katatapos lamang na FIBA World Championships ang Pilipinas at Iran kung saan kapwa sila nakapagtala ng tig-isang panalo.

Batid naman ni national basketball coach Chot Reyes na natututo na ang Gilas sa muntik na pagkulapso kontra sa India kung saan nagawa nilang itala ang 19-puntos na abante subalit hindi nakapuntos sa halos apat na minuto sa krusyal na sandali sa ikaapat na yugto.

“I think if they (India) were a little fresher, if they didn’t play their fourth game in four days, it would have been much difficult for us,” sinabi ni Reyes.

“We must play better in our next game,” giit pa nito.

Naglalagablab ang pagsisimula ng Pilipinas matapos na agad umarangkada sa pagpapasabog ng16 na sunod na puntos bago na lamang hinayaan ang India sa krusyal na huling yugto nang makalapit sa 8 puntos.

Gayunman, kinapos sa oras ang India matapos sayangin ng Pilipinas ang mga huling segundo sa laro.

Sinandigan ng Gilas ang 84-65 abante bago umatake ang India sa 12-0 bomba, tampok ang tatlong tres, tungo sa huling 54 segundo. Tanging naisagot ng Gilas ay ang split free-throw ni Jimmy Alapag sa huling 23 segundo na nagpreserba sa panalo ng Pilipinas.

Aasahan ng Pilipinas sina Jeff Chan at Marcus Douthit na nagtala ng tig-14 puntos habang may 13 puntos si Gary David, 12 kay Junemar Fajardo at tig-10 naman si LA Tenorio at Japeth Aguilar.