Hindi nakaapekto sa hudikatura ang pagkakasibak ng Supreme Court (SC) kay Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong.
Ito ang sinabi ni Court of Appeals (CA) Presiding Justice Andres Reyes kasabay ng pahayag na kinakailangan lamang na higit na paghusayin ang kanilang trabaho upang maibalik ang tiwala ng sambayanan sa hudikatura.
Para naman kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, anuman ang posibleng epekto ng kinahinatnan ng kaso ni Ong sa hudikatura, ito ay kanila nang ipinauubaya sa hinaharap.
Nanindigan naman si SC Associate Justice Presbitero Velasco na lahat ng kanilang ginagawa ay para sa bansa.
Sa panig naman ni retired SC Justice Roberto Abad, ipinapakita ng SC sa pagkakasibak kay Ong na kaya nitong manindigan laban sa maling gawain.
Ang mga pahayag ay ginawa ng mga nasabing opisyal sa paglulunsad ng Continuous Trial Systems sa Manila Hotel na dinaluhan ng mga mahistrado ng SC, CA, Sandiganbayan at mga hukom sa Regional Trial Courts (RTCs).
Si Ong ay sinibak sa serbisyo ng Korte Suprema dahil pagkakaugnay nito sa tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles.