Magkakasubukan sina dating International Boxing Organization (IBO) super flyweight champon Edrin Dapudong ng Pilipinas at Wisanlek Sithsaithung ng Thailand sa isang 10-round bout sa Oktubre 11 sa Almendras Gym, Davao City.

Ito ang unang pagsabak ni Dapudong mula nang kontrobersiyal na agawin ang kanyang titulo ni Lwandie Sityaha sa pamamagitan ng 12-round split decision sa Eastern Cape, South Africa noong nakaraang Hulyo 18.

“This will be a tune-up for his rematch against Sityaha. But his Thai opponent is not a patsy,” sinabi ni promoter Manny Pinol ng Sonshine Sports Management sa PhilBoxing.com.

Nagwagi si Sithsaithung sa huling 11 laban at anim rito ay sa pamamagitan ng knockouts.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una namang natalo ang 28-anyos na si Dapudong (29-6, 7 knockouts), tubong M’lang, North Cotabato, kay South African Gideon Buthelezi sa isa pa ring kontrobersiyal na 12-round split decision noong Nobyembre 10, 2012 sa Gauteng, South Africa.

Subalit sa kanilang mandatory rematch, sinigurado na ni Dapudong na hindi na siya madadaya nang patulugin si Buthelezi sa eksaktong 2:29 sa 1st round noong Hunyo 15, 2013 sa Emperor’s Palace, Kempton Park, Gauteng, South Africa.

Kasama ang Dapudong-Sithasithung bout sa triple main event ng boxing event na tinaguriang “Raw Power: Clash of The Little Titans”. Itatampok din sa main headers ang laban nina IBO light flyweight champion Rey “Hitman” Loreto ng Pilipinas at Heri “The Magic Baby” Amol ng Indonesia, gayundin ang 10 rounder ng nagbabalik na si one-time world title challenger Denver Cuello at Thai Jaipeth Chaiyongym.