Umaasa ang isang Catholic bishop na hindi mga foreign loan ang iuuwi sa Pilipinas ni Pangulong Benigno S. Aquino III mula sa state visit nito sa Europe at Amerika.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kadalasang “investments” na pasalubong ng Pangulo sa taumbayan ay mga foreign loan na kinalaunan ay babayaran din ng mga Pinoy.
“Hindi ko alam kung anong purpose ng kanyang state visit. Sana naman hindi siya babalik ng may utang na naman tayo, kasi maraming ipinagmamalaki na nakautang tayo, naka-loan tayo, babayaran ng tao rin yan,” pahayag ni Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Iginiit naman ng obispo na hindi dapat masanay sa pangungutang ang Pilipinas at dapat lang na simulan ng Pilipinas na tumayo sa sarili nitong kakayahan upang mabawasan ang mabigat na pasanin ng mamamayan.
Aniya pa, layunin ng mga international bank ang magpautang kaya hindi dapat na ipagmalaki ng gobyerno na mayroong matatag na ekonomiya ang Pilipinas.
Tiyak rin, aniya, na ang mga susunod na administrasyon ang magbabayad ng mga bagong utang dahil patapos na ang termino ni Aquino sa 2016.
Matatandaang una nang ipinagmalaki ng Pangulo ang $2.38 billion na pangakong investment ng mga bansa sa Europe na kanyang binisita.
Kasalukuyang nasa Amerika ang Pangulo para dumalo sa UN Climate Change Summit 2014 matapos ang kanyang state-visit sa apat na bansa sa Europe.