KITAKAMI CITY, Japan— Isinalba nina Erlinda Lavandia at Emerson Obiena ang biglaang pagatras ni dating Asian long jump queen Elma Muros-Posadas sanhi ng injury nang pagwagian nila ang unang dalawang gintong medalya para sa Philippine Masters Team noong Lunes sa 18th Asia Masters Athletics Championships.

Kinubra ni Lavandia ang gold sa javelin throw event sa women 60-64-years old kung saan ay matulis na ibinato nito ang spear sa layong 30.05 meters upang pataubin sina Kato Keiko (28.76m) at Ota Tokiko (26.44m), kapwa ng Japan.

Ngunit ‘di nito naisakatuparan ang tsansang mabura ang record na kanyang naisagawa noong 2013 edition sa Games sa Taipei.

Iuuwi rin ni Obiena sa bansa ang gold medal mula sa men’s pole vault event sa men 45-years old. Naibato nito ang 4 meters upang talunin sina Higashino Makoto ng Japan (3.8m) at isa pang Japanese na si Fukaya Eiji (3.2m).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kinuha ni John Lozada ang bronze medal sa 800-m race sa naitala nitong oras na 2: 18.08, sa likuran ni gold medal winner na si Namekawa Yuji (2:08.48) at Koji Kashima (2:10.08), na mula rin sa Japan.

Natamo ni Muros-Posadas ang injury sa kanyang unang attempt sa kanyang paboritong long jump kung saan ay pinulikat ito.

Nagtamo rin ito ng injury noong nakaraang taon nang magpartisipa ito sa hurdles kung saan ay napuwersa itong tumigil habang siya pa ang nangunguna sa karera.

Naisakatuparan ng koponan na makarating dito sa tulong na ipinagkaloob ng namayapang si Manny Ibay, dating presidente ng Philippine Masters Association, na siyang nagtatag ng squad sa pamamagitan ng suporta ng El Lobo Energy Drink, San Miguel Corporation, Petron, Sportscore, L-Time Studio, Soma, Accel , PCSO, PSC at POC.

Maliban sa dalawang gintong medalya, ang koponan ay nakapagtala na rin ng dalawang silvers at tatlong bronzes.