Sisimulan ni 27th Southeast Asian Games (SEAG) winner Mario Fernandez at multi-title boxer Charly Suarez ang kampanya ng Filipino boxers sa pagbubukas ngayong umaga ng boxing event sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Isinagawa kahapon sa ganap na alas-2:00 ng hapon ang draw kung saan ay itatakda ang makakalaban ng beterano sa AIBA World Series of Boxing na si Suarez at Fernandez na sariwa pa sa paglahok sa AIBA World Boxing Championships.

Isa si Fernandez sa tatlong Pilipinong boxer na nagbigay ng tatlong ginto sa Pilipinas noong nakalipas na Myanmar SEA Games kasama sina Mark Anthony Barriga at women boxer Josie Gabuco. Nag-uwi din ng 4 pilak at 3 tanso ang iba pang ipinadalang boxer sa kada dalawang taong torneo.

Sasagupa si Fernandez sa Round of 64 sa Men’s Bantam (56kg) habang si Suarez ay sa Men’s Lightweight (60kg). Wala namang kalahok ang Pilipinas sa Men’s Welterweight (69kg).

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

We’re ready,” sinabi ni head coach Nolito Velasco, kapatid ng Olympic medalists na sina Roel at Mansueto.

Si Roel ang tatayong assistant coach sa mas nakatatandang si Nolito.

“Na-scout namin ang kalaban sa mga tournaments na sinalihan namin. Pero sigurado din ako na na-scout din nila kami. Pero pantay-pantay lang dito sa boxing, patibayan na lang iyan sa ring,” sinabi ni Nolito.

“Medyo mahaba ang preparasyon namin para dito e. Since January pa lang, sumabak na kami sa training at mga tournaments. Kaya kahit sa timbang, alaga namin ang mga boksingero,” giit pa nito.

Ang huling paghahanda na isinagawa ng PH Boxing Team ay ang 15-araw na training camp sa Canberra, Australia habang lumahok din ito sa mga torneo sa Kazakhstan at China.

Nakuhang magwagi ni Ian Bautista, na sasabak bukas sa flyweight division, ang gintong medalya sa 2013 Asian Youth Confederation Championships at 2014 China Open International Boxing Championships.

Papalitan ni Bautista ang tinanghal na 2010 Guangzhou Asian Games gold medalist na si Rey Saludar na hindi nakasama sa koponan bunga ng injury sa balikat.

Umaasa din ang koponan kay Gabuco na kinikilalang world champion at No. 1 ranked lady boxer sa 45-48 division, gayundin kay Barriga na natatanging boksingero ng Pilipinas na nakuwalipika noong 2012 London Olympics Games.

Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Dennis Galvan at Eumir Marcial sa men’s team at si Nesthy Petecio sa women’s class.

Hindi pa nabobokya ang mga Pilipinong boxer sa paghahatid ng medalya sa Asian Games mula noong 1950 kung saan ay mayroon nang naiuwing kabuuang 15 ginto, 7 pilak at 20 tansong medalya sa kada apat na taong torneo.