KALIBO, Aklan – Agad na napunan ng mga lokal na turista ang mga hotel at resort reservation na kinansela ng mga Chinese sa pandaigdigang beach destination ng Boracay Island sa Malay, Aklan.

“It’s quickly picking up,” sabi ni Atty. Helen Catalbas, regional director ng Department of Tourism (DOT)-6 sa Western Visayas.

Agad na naapektuhan ang isla nang kanselahin ng mga Chinese tourist noong nakaraang linggo ang mga hotel reservation ng mga ito kasunod ng pagpapalabas noong Setyembre 12 ng gobyerno ng China ng travel ban laban sa Pilipinas.

Tinaya sa mahigit P500 milyon ang magiging lugi ng Boracay dahil sa travel ban ng China, na mariing nagbabala sa mamamayan nito laban sa posibilidad ng kidnapping. Saklaw ng kanselasyon ang mga nakareserbang hotel rooms mula Setyembre 13, 2014 hanggang Marso 2015.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Alinsunod sa short-term solutions ng DOT-6, nag-alok ang Boracay Foundation Inc. (BFI), isang organisasyon ng mga hotel at resort owner sa isla, ng diskuwento sa mga lokal na turista para mahimok ang mga itong dumayo sa Boracay. “The marketing and information drive via social networking sites have paid off and we can address this problem,” ani Catalbas.

Kasabay nito, umapela ang BFI sa gobyerno na pagsikapan pang maresolba ang alitan sa China. - Tara Yap