DAHIL may kasaling pelikula sina Daniel Padilla at Jasmine Curtis sa MMFF 2014, ang Bonifacio: Ang Unang Pangulo, mas gusto naming paniwalaan ang tsikahan ng entertainment writers na gimik lang o pakulo para sa libreng publicity ang lumutang na audio clip ni Daniel para mapag-usapan ang pelikula.
Libreng publicity naman talaga ito sa pelikulang pinagbibidahan ni Robin Padilla.
Sa nagiging kontrobersiyal nang audio clip, itinuturo si Daniel Padilla na siyang nagsasalita at nagkokomento tungkol sa natanggap na text message mula sa isang girl, na tinutukoy na si Jasmine. Nabanggit din ang mga pangalang “Patrick” at “Sam” na diumano’y si Sam Concepcion na boyfriend ni Jasmine.
Sa magkakahiwalay na interview, mababakas sa mukha nina Daniel at Sam na pareho silang hindi apektado sa isyu.
Sabi ni Sam, okay sila ni Jasmine at ayaw na niyang magkomento tungkol sa isyu. Sabi naman ni Daniel sa isang panayam, “galingan na lang ninyo” ang paninira sa kanya.
“Marami man ang naninira sa akin, wala sa ‘kin ‘yun. Dahil mas marami ang nagmamahal sa ‘kin. Maraming salamat at mahal na mahal ko kayo,” nakasaad sa Instagram post ng teen actor.
Sa mas mahabang post, ang mensahe ni Daniel:
“Gusto ko po magpasalamat sa lahat ng sumusuporta sa akin simula pa nu’ng simula. Maraming salamat dahil kayo ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon at kung bakit maginhawa ang buhay namin ng aking pamilya. Maraming-maraming salamat at kayo ang pumuprotekta sa akin sa kahit ano man ang sabihin ng ibang tao sa akin. Ako po ay talagang masayang-masaya at nandiyan kayo para sa akin. Pasensiya na din po kung minsan e nagkukulang po ako sa inyo. Malaking-malaki ang utang na loob ko sa inyong lahat. Maraming salamat po ulit sa inyo at sana magkasama tayo habang buhay.”
Sa hiwalay na pahayag naman ni Sam nang makorner siya ng press people sa premier night ng Dementia, na ipinakita sa The Buzz last Sunday, ang sabi niya:
“I’m sorry. It’s not for me to answer or talk about it,” at laging sinasabing okay sila ni Jasmine bilang magkasintahan.