Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

12 p.m. Letran vs Arellano (jrs/srs)

4 p.m. St. Benilde vs JRU (srs/jrs)

Ganap na makamit ang ikalawang semifinals seat ang tatangkain ng Arellano University (AU) habang solong ikatlong puwesto ang pag-aagawan naman ng season host Jose Rizal University (JRU) at College of St. Benilde (CSB) sa pagpapatuloy ngayon ng NCAA Season 90 basketball tournament.

National

Halaga ng piso, inaasahang hihina sa bagong record-low kontra dolyar

Makakasagupa ng Chiefs ang Letran College (LC) Knights sa seniors division sa ganap na alas-2:00 ng hapon habang magtutuos naman sa tampok na seniors match ang Heavy Bombers at Blazers sa ganap na alas-4:00 ng hapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Sa pagkakataong ito, target ng Chiefs na makapagposte ng mas kumbinsidong panalo kumpara sa kanilang 63-62 pag-ungos sa Knights sa first round.

Sa panig naman ng Knights, bukod sa paghihiganti sa nasabing pagkatalo, tiyak ding babangon ang mga ito mula sa natamong kabiguan sa kamay ng archrival San Beda College (SBC) sa nakaraan nilang laro upang patuloy na buhayin ang kanilang nalalabing katiting na tsansang makahabol pa sa Final Four round.

Hawak ang barahang 6-8 (panalo-talo), kailangan ng Knights na mawalis ang nalalabing apat na laro at umasang hindi lalagpas ng tig-10 panalo ang mga sinusundang St. Benilde, JRU at Perpetual para makapuwersa ng playoff sa huling semifinals berth.

Sa tampok na laro, unahan namang makapagtala ng ika-10 panalo ang JRU at St. Benilde, hindi lamang para makapagsolo sa ikatlong puwesto kundi palakasin ang tsansang humabol pa sa top two na may kaakibat na twice-to-beat incentive papasok sa Final Four round.

Kapwa nawala sa aksiyon ang dalawang koponan matapos ang ilang postponement ng mga laro dahil sa mga nagdaang mga bagyo sa nakalipas na dalawang linggo.

Malalaman ngayon kung sino ang kinalawang sa dalawang koponan sa kanilang muling pagtatapat makaraan ang una nilang pagtatagpo noong nakaraang Hulyo 7 sa first round kung saan ay nagwagi ang Heavy Bombers, 69-61.