Napagtibay ng defending champion San Beda College (SBC) ang kapit sa solong pangingibabaw at pinalakas ang tsansa para makamit ang isa sa top two spots papasok sa Final Four round nang muling padapain ang University of Perpetual, 94-78, kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 90 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Nagtala ng 19 puntos si Marc Diputado habang nagdagdag naman ng 15 puntos si Niko Abatayo upang pamunuan ang nasabing panalo, ang kanilang ika-13 sa 16 na laro.

Kailangan na lamang ng Red Cubs na magapi ang season host Jose Rizal University (JRU) Light Bombers sa susunod nilang laban upang makatiyak ng isa sa top two seedings.

Ngunit kung magagawa nilang walisin ang dalawang natitirang laro kontra Light Bombers at Arellano University (AU) Braves, pormal na silang papasok bilang top seed sa Final Four round.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Bukod sa 15 puntos, nagtala din si Abatayo ng 13 rebounds para sa isa na namang double-doble performance habang nag-ambag din ng isa pang double-double ang kakamping si Kenneth Alas na nagtala ng 11 puntos at 11 rebounds.

Sa kabilang dako, nanguna naman para sa ousted na Altalettes si Jezsir Sison na nagtapos na may 17 puntos at 14 rebounds.

Gaya niya, tumapos ding may double-double para sa koponan na bumaba sa barahang 3-12 si Raphael Chavez na umiskor ng 14 puntos at 13 boards. - Marivic Awitan