LEGAZPI CITY – Pinasalamatan ni Albay Gov. Joey Salceda si Pangulong Benigno S. Aquino III ang agarang ayuda na ipinalabas ng Malacañang para sa libu-libong Mayon Volcano evacuee na kasalukuyang nakasilong sa 29 na evacuation center sa lalawigan.

Ayon kay Salceda, tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na relief assistance ng Malacañang kung tuluy-tuloy din ang panganib na dulot ng pag-aalburoto ng bulkan at kung kukulangin ang resources ng lalawigan bunsod ng dalawang nagdaang bagyo.

Ang tulong na ipinadaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), dagdag niya, ay ngayon lang nangyari sa buong panahon ng panunungkulan niya bilang gobernador.

Ang ayuda ay binubuo ng P29 milyon halaga ng bigas para sa 17 araw at P6.6 milyon halaga ng 10,600 starter kit na may kasamang banig, malong, kumot at mga dust mask.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nagbigay din sa Albay ang Office of Civil Defense (OCD) ng P1.5 milyon halaga ng non-food items. Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) naman ay nagpadala ng P500,000 halaga ng pagkain, nagpahiram ng tatlong water filtration machine at nagtalaga ng isang linggong medical mission sa mga evacuation center mula sa AFP Southern Luzon Command, bukod sa 30 truck at 200 sundalo para sa malawakang Mayon evacuation.

Nitong Biyernes ay umabot na sa 7,394 na pamilya o 32,333 katao ang lumikas sa 29 evacuation center ng lalawigan. Sinabi ni Salceda na talagang kailangan nila ang ayuda ng gobyerno para matiyak ang “zero casualty goal” nila. Inamin din niyang hanggang dalawang linggo lamang ang ayudang maibibigay ng lalawigan sa mga evacuee nito.