Ni JC BELLO RUIZ
BOSTON – Ang tanging hangad niya ay buweltahan. Subalit alam din niyang ito ay imposible.
“As the only son, I felt an overwhelming urge to exact an eye for an eye,” pahayag ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang pagdalo sa pagtitipon ng Filipino-American community sa Boston College dito noong Linggo.
Matapos payagan ang kanyang ama na si Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. nang mahigpit na kaaway nito sa pulitika na si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na magtungo sa Amerika upang sumailalim sa operasyon sa puso, nanirahan ang pamilya Aquino ng halos tatlong taon sa 175 Commonwealth Ave., Newton, Massachusetts na binisita ni PNoy nitong nakaraang Linggo. Ito ang unang pagkakataon na nasilayan uli ni PNoy ang kanilang Boston residence, na itinuturing niya na lugar kung saan niya naramdaman ang pinakamasasayang araw habang kapiling niya ang buong pamilya, matapos ang halos 22 taon. “In the early morning hours of August 21, 1983, I was watching CNN waiting to see if they had any news about Dad’s arrival,” ayon kay Pangulong Aquino.
“I will never forget the face of the reporter when he said that, upon the arrival of opposition leader Benigno Aquino, shots were heard, and he was seen lying in a pool of blood,” dagdag niya.
Sa sobrang pagkabigla sa hindi niya inaasahang balita, sinabi ni PNoy na namanhid ang kanyang buong katawan.
“As the only son, I felt an overwhelming urge to exact an eye for an eye. Mr. Marcos and his ilk were like rabid dogs which had lost all reason,” anang Pangulo.
Batid niya na maimpluwesiyang tao si Marcos at imposibleng labanan ito noong mga panahon na iyon.
Nahimasmasan lang si PNoy sa paalala ni Takeo Iguchi, na noo’y Japanese Consul, na siya at kanyang ina na si dating Pangulong Corazon Aquino ay tinitingala ng mga mamamayan.
“Your people will be looking up to your mother and yourself, and it was there that the idea began to take root, that you cannot make decisions just for yourself,” pahayag ni Aquino hinggil sa tagubilin ni Iguchi.
Sinabi ni PNoy na namulat siya nang masaksihan ang milyun-milyong katao na nakiramay sa kanyang pamilya sa burol at libing ni Ninoy.
“Dad’s death started a new movement for change,” pagtatapos ni PNoy.