Bumaba ang bilang ng mga Pinoy na naniniwala na gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na buwan, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).

Sa isang nationwide survey na isinagawa noong Hunyo 27-30 sa 1,200 respondent, lumitaw na 26 porsiyento ang positibo na ang general economy ng Pilipinas ay gaganda sa susunod na taon, habang 24 porsiyento ang naniniwalang ito ay sasama.

Nagresulta ito sa “high” +2 (percentage of optimistic minus percentage of pessimistic) ang net optimism ng mga Pinoy sa ekonomiya.

Ang net optimism sa ekonomiya ay nangangahulugang kung ano ang mga inaasahan sa ekonomiya ng Pilipinas sa pangkalahatan. Ito ay kakaiba sa net personal optimism, na ang tinutukoy ay ang inaasahan sa kalidad ng personal na buhay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bagamat ito ay nananatiling nasa “high,” sinabi ng SWS na ang pinakahuling net economic optimism figure ay mas mababa sa net +9 (28 percent optimistic and 19 percent pessimistic) na naitala nitong tatlong nakaraang buwan.

Ipinaliwanag ng SWS na ang pagbaba ng pitong puntos sa national net optimism sa ekonomiya ng bansa ay nahila ng pagbaba ng pitong puntos sa Mindanao, at apat na puntos sa Metro Manila, kasama ang pagtaas ng anim na puntos sa Visayas at walang paggalaw sa natitirang bahagi ng Luzon. - Ellalyn B. de Vera