Mailap pa rin ang hinahangad na medalya ng delegasyon ng Pilipinas matapos na makalasap ng kabiguan ang mga atleta sa anim na sinalihang sports sa ginaganap na 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Bahagyang nagkaroon ng pag-asa ang Pilipinas sa fencers na sina Nathaniel Perez na tumuntong sa Round of 16 kung saan makakasagupa nito si Majed Sultan Ali Almansoori ng UAE sa Men's Foil Individual habang umakyat din sa Round of 32 si Wilfred Richard Curioso na kakaharapin si Yuriy Bidarev ng Kazakshtan.
Paisa-sa namang nalagas ang mga atleta sa rowing, shooting, lawn tennis, weightliftiing, judo at swimming.
Nabigong makausad sa kampeonato sa lightweight Men's Single Sculls Repechage 1 ang Sydney Olympian na si Benjamin Tolentino Jr. matapos na pumang-apat lamang sa itinalang 1:45.78 sa 500m; 3:38.85 sa 1000m; 5:32.80s sa 1500m at 7:25.87 sa 2000m.
Pumangatlo naman si Jasmine Alkhaldi sa Heat 3 ng Women's 100m Freestyle sa itinalang oras na 56.92 segundo. Gayunman, ang isinumite nitong oras ay nagkasya lamang sa ikasiyam na puwesto at naglagay dito bilang reserba sakaling hindi makalangoy ang isa sa nagkuwalipikang walo sa kampeonato.
Patuloy naman ang pag-angat ng China sa medal standing sa iniuwing 13 ginto, 9 pilak at 11 tanso sa kabuuang 33 medalya kasunod ang host Korea na may 12-11-10 (ginto-pilak-tanso) para sa 33 medalya at ang Japan na may 7-8-11 na may kabuuang 26 medalya.
Habang sinusulat ito ay sasagupa para sa medalya ang Sanda artists na sina Jean Claude Saclag, Francisco Solis at Divine Wally sa quarterfinal round ng Wushu.
Nakatakda naman simulan ng archers ang kanilang kampanya sa Compound Men’s at Women’s Individual/Team Ranking Round habang walang kalahok sa Recurve Men’s at Women’s Individual/Team.
Aasinta sina Ian Patrick Chipeco, Earl Benjamin Yap, Jose Ferdinand Arellano, Paul Marton dela Cruz, Amaya Amparo Cojuangco, Joann Tabanag at Abbigail Tindugan.
Sasabak din ang Pilipinas sa bowling sa ganap na alas-9:00 ng umaga sa Men’s Singles Squad A sa Anyang Hogye Gymnasium na kinabibilangan nina Enrico Lorenzo Hernandez, Jo Mar Roland Jumapao, Frederick Ong, Benshir Layoso, Enegelberto Rivera at Kenneth Chua.
Magtatangka din tumuntong sa kampeonato sa rowing sa Men’s Double Sculls Repecharge 2 sa Chungju Tangeum Lake Rowing Center sina Roque Abala Jr. at Alvin Amposta.
Magbabalik sa paglangoy si Jasmine Alkhaldi sa Women's 100m Butterfly- Heat 1 event ng swimming sa Munhak Park Tae-hwan Aquatics Center habang asam ni SEA Games gold medalist Daniel Parantac na makapagbigay ng medalya sa wushu sa paglahok nito sa ganap na alas-9:00 ng umaga sa Men's Taijijian at Men's Taijiquan sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa Ganghwa Dolmens Gymnasium.