Dismayado si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito sa biglaang pagkansela sa pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersiya sa Malampaya fund scam ngayong Huwebes upang bigyang-daan ang isyu sa katiwalian sa konstruksiyon ng Makati City Building 2.

Ayon kay Ejercito, maaari namang isabay ang dalawang pagdinig dahil may sariling miyembro ang mga komiteng may hawak ng imbestigasyon.

Una nang inihayag ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, chairman ng subcommittee, na nagkasundo sila ni Senator Teofisto “TG” Guingona III, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na ikansela na lang ang pagdinig sa Malampaya fund scam na unang itinakda sa Huwebes, Setyembre 25.

Idinahilan ni Guingona na hindi makasisipot si Commission on Audit (CoA) Chairperson Grace Pulido-Tan, pinuno ng special audit team, upang magpaliwanag sa pondo ng Malampaya.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Subalit, ayon kay Ejercito, maaaring kumuha ng ibang resource speaker kung hindi makadadalo si Tan para lang maumpisahan ang imbestigasyon sa isyu na may kinalaman sa paggamit ng Malampaya Fund sa mga bogus na non-government organization ng tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles.

Si Senator Jose “Jinggoy” Estrada, isa sa mga kinasuhan sa pork barrel scam, ang nagsusulong ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang paggamit ng Malampaya Fund.