Beinte pesos kada pangalan.
Ito ang halaga na inialok ng itinuturong mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles sa kanyang mga empleyado sa kada pangalan na kanilang maiisip at ilalagay sa listahan ng mga pekeng benepisyaryo ng kontrobersiyal ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), ayon kay whistleblower Benhur Luy.
Sa kanyang pagtestigo sa Sandiganbayan Fifth Division hinggil sa bail petition ni Senator Jinggoy Estrada, ipinaliwanag ni Luy na ang listahan ng mga pekeng benepisyaryo ang isa sa requirements para sa liquidation ng mga proyekto sa ilalim ng PDAF ng senador.
Bagamat ang listahan ay dapat na magsilbing pruweba na natanggap ng mga benepisyaryo ang pondo na sana’y ilalaan sa kanila, aminado si Luy na “wala naman pong naganap na distribution (ng pondo).”
Matapos gumawa ng pekeng listahan, sinabi ni Luy na sila rin ang pumeke sa mga lagda ng mga bogus na benepisyaryo sa listahan.
Bukod sa kanyang sarili, kabilang sa mga pumeke ng lagda ay si Napoles, dalawang anak nito at iba pang empleyado nito.
Maging ang kasambahay at sekyu ni Napoles ay kasama rin sa nagiimbento ng mga pangalan at pumepeke ng lagda ng mga ito, ayon pa kay Luy.
Bukod sa pinekeng listahan ng mga benepisyaryo, sinabi ni Luy sila rin ang gumawa ng mga pekeng certificate of acceptance na kailangan sa paglilikida para sa PDAF fund.
Ipinaliwanag ng testigo na ang certificate of acceptance ang dapat manggaling sa mga lokal na pamahalaan bilang pruweba na natanggap nila ang mga produkto para sa mga non-government organization.
At dahil walang delivery ng mga produkto, sinabi ni Luy na pineke rin nila ang lagda ng mga alkalde.