Naniniwala si Senator Francis “Chiz” Escudero na dapat nang payagang mailibing si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.

“Siguro panahon na para maghilom ang sugat na ‘yun. Siguro panahon na para tuldukan natin ang ilang mga bukas pang sugat sa ating kasaysayan para mas mabilis yung pag-move forward natin,” ani Escudero, tungkol sa idinulot na pagkakahati-hati ng sambayanan sa isyu ng kahilingan ng pamilya Marcos na mailibing na ang yumaong diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Aniya, iginagalang niya ang desisyon ni Pangulong Aquino subalit dapat daw na isaalang-alang din niya ang pagkakaisa ng mga mamamayan.

Nananatiling nakahimlay sa isang refrigerated crypt sa Marcos Museum sa Batac, Ilocos Norte ang mga labi ng dating diktador matapos itong maibalik sa bansa noong termino ni Pangulong Fidel V. Ramos mula Hawaii noong 1992. Si Marcos ay pumanaw sa edad na 72 noong Setyembre 1989 habang naninirahan bilang exile sa Hawaii.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Desisyon niya (Aquino) yun, pero sa ganang akin (nararapat ito) para matuldukan na natin... ‘yung 40-year rebellion nga sa Mindanao matutuldukan na, apatnapung taon na yun. Ito magtatatlumpung taon na,” dagdag ni Escudero.

Sinabi rin nito na noong 2011, naghain ng panukalang resolusyon ang kanyang ama na si dating Sorsogon Rep. Salvador Escudero III upang hikayatin ang gobyernong Aquino na payagan nang mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.