Laro ngayon: (Samsan World Gymnasium)
12:00 pm Pilipinas vs Kazakshtan
Agad na masusubok ang kakayahan ng Gilas Pilipinas sa pagsagupa sa kontrapelong Kazakshtan sa preliminary round ng 17th Asian Games basketball event sa Incheon, Korea.
Habang sinusulat ito ay kasagupa ng Kazakshtan ang India sa qualifying round bagamat anuman ang maging resulta ng sagupaan ay hindi na makakaapekto sa itinakdang format ng torneo na ang mangunguna sa Group B ang papasok sa bakanteng silya sa Group E na kinabibilangan ng Iran at Pilipinas.
Ito ay dahil hawak ng Kazakshtan ang 2-0 panalo matapos na itala ang pagwawagi sa Kingdom of Saudi Arabia, 89-59, at Palestine, 72-50. Magkasalo sa ikalawang puwesto ang India at Saudi Arabia na may 1-1 kartada habang nangulelat ang Palestine na may 0-2 kartada.
Tinalo ng India ang Palestine, 89-49, habang tinalo naman ng Saudi Arabia ang India, 73-67. Nagsasagupa pa ang Saudi at Palestine habang sinusulat ang ulat na ito.
Inaasahan na agad na mahihirapan ang Pilipinas sa pinakaunang laro kontra sa Kazakshtan na ilang beses na nagpalasap ng kabiguan sa kanilang paghaharap sa ilang sinalihang internasyonal na torneo.
Matatandaan na tinalo ng Kazakshan ang Pilipinas para sa tansong medalya noong 2002 Asian Games sa Busan, South Korea, 66-68, matapos na mabigo ang pambansang koponan sa semifinals kontra sa host Korea mula sa isang buzzer-beater ng mga Koreano.
Agad naman nagsanay ang Gilas noong Sabado sa Song Do High School gym ilang oras matapos na makapagpahinga pagdating sa Athletes’ Village.
Inireklamo naman ni team official Rogelio Tulabot ang itinakdang official ball na kinukonsidera nilang “hard, slippery and not too bouncy.”
“Kapag tinamaan ka ng bola, masakit. Matigas e,” sinabi ni Tulabot. “But knowing our players, they’ll get to used to it in time for sure.”
Apat na sunod namang tinanghal na kampeon ang Pilipinas sa Asian Games simula noong 1951, 1954, 1958 at 1962. Mayroon ang Pilipinas na kabuuang 4 ginto, 1 pilak at 2 tanso para sa kabuuang 7 medalya sa basketball event.