INCHEON, Korea— Ang koponan ng bowling ang nagbibigay ng magagandang istorya sa ngayon para sa buong delegasyon ng Pilipinas sa 17th Asian Games bago pa man ito lumaban para subuking makahakot ng medalya para sa bandila.

Ilang araw matapos ang kanyang inspiradong paglalakbay mula sa “Waterworld” sa Bulacan patungo sa inuulang Ninoy Aquino International Airport upang makahabol sa kanyang flight patungo sa Incheon sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Mario noong Sabado, si Enrico Lorenzo Fernandez naman ang nag-angat ng team spirit nang siya ay bumangon mula sa sick bay at sabihing sasabak na sa laban.

“Okay na po ako, laban na po tayo,” pahayag ni Fernandez matapos niyang gugulin ang Linggo na bantay-sarado ng mga doktor na sinigurong hindi siya makaranas ng dehydration dahil sa nasirang tiyan.

Ipinaalam din ni Fernandez sa Philippine secretariat na handa na siyang sumama sa ensayo ng koponan kahapon.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“He responded well to our treatment. He was also given intravenous fluid to keep him hydrated. It’s good that he’s up and about,” ayon kay delegation Doctor Ferdinand Brawner.

Isang entrée ng duck meat na inihain sa Athletes’ Village dining hall ang hinihinalang naging sanhi ng pagkakasakit ni Fernandez, sabi ni Brawner.

“He was the only one affected, so it could be just one food served at the dining hall and we suspect it was the duck,” dagdag ni Brawner.

Si Hernandez ang pinakabata sa koponan sa edad na 19.

Ang bowling competitions ay uumpisahan sa men’s singles sa Martes sa Anyang Hogye Gymnasium.

“We advised the rest of the teams to take only food they are familiar with, based on the recommendations of the team nutritionist,” saad ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Ricardo “Ritchie” Garcia na siya ring Chief of Mission dito. “That way, we can be assured no more other cases like this will happen.”

Nagsilbing inspirasyon si Clutario sa koponan noong Sabado nang sinuong niya ang baha sa kanyang bayan sa Lawa, Meycauayan upang makahabol sa kanyang afternoon flight patungong Incheon. - Kristina Maralit