Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pagtamo ng focus na kasintalim ng blade...
- Gawing interesante ang iyong ginagawa. - Sa araw-araw na pagtatrabaho, parang nawawala na ang excitement sa ating gawain. Mas madalas pa nga na nagiging mitsa pa ito ng ating katamaran dahil iyon at iyon ang ating ginagawa. Kung nararanasan mo rin iyon, kailangan mong maghanap ng paraan upang maibalik ang excitement sa iyong trabaho. Mag-focus ka sa pakinabang ng iyong gawain sa iyo at sa kumpanyang iyong pinaglilingkuran at sa kung ano ang ginhawang idudulot sa iyo kapag nakumpleto mo na ang iyong trabaho. Mayroon pa ring saysay ang iyong ginagawa para sa kumpanya kahit may iniiwasan kang negatibo (ang mababang sahod, hindi pagbabayad ng tamang overtime, pagkalugi ng kumpanya, stress na dulot ng panahon ng sibakan, atbp). Gawin mong mantra na gustung-gusto mo ang iyong trabaho kahit magmukha ka pang tanga sa tingin ng iyong mga kasama dahil nakatutulong sa iyo iyon upang manatiling naka-focus sa iyong gawain. Kung inaatupag mo na ang kinatatamaran mong trabaho, magkunwari kang masipag at masaya sa paggawa at mamamalayan mo na lamang na naka-focus ka na sa iyong ginagawa. Maraming benefit ang pagkukunwaring naka-focus sa trabaho isa na roon ang aktuwal na pag-focus.
- Magtakda ng mga deadline. - Hati-hatiin mo ang malaking trabaho sa maliliit na putol at magtakda ka ng deadline sa bawat isa. Mas madaking mag-focus sa maliliit kaysa malalaking gawain.
- Magpahinga paminsan-minsan. - Kung nagsisimula ka nang tamarin sa iyong ginagawa gawa at naglalakbay na ang iyong isip sa mapuputing buhangin ng Boracay beach, tumayo ka, maglakad-lakad o magpunta sa kantina at doon magkape; saka mo balikan ang iyong ginagawa.
- Disiplinahin ang sarili. - Manatili ka sa iyong ginagawa ngunit huwag mong puwersahin ang iyong sarili na tapusin iyon agad-agad. Hahadlangan nito ang iyong pagkamalikhain at produktibidad. Gawing maginhawa ang iyong pagsabak sa iyong ginagawa. Okay lang pumalpak dahil wala namang perpektong manggagawa. Maging disiplinado ngunit huwag maging mapangahas na pagdedesisyon at apurado.