Ni JEAN FERNANDO
MAKIKIPAG-AYOS si Derek Ramsay ngayong linggo sa asawa niyang si Mary Christine Jolly at sa anak nilang si Austin Gabriel, 11, kaugnay ng kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children na isinampa ng ginang sa aktor.
Ayon kay Makati City Assistant Prosecutor Erwin Dimayacyac, nagkaroon ng agreement ang mag-asawa sa pagdinig noong Setyembre 18 kaugnay ng suportang pinansiyal ni Derek sa mag-ina, gayundin sa kostudiya at citizenship ng kanilang anak.
Ang susunod na hearing ay sa Setyembre 25.
Samantala, napaulat na sinisi ng abogado ni Derek na si Atty. Joji Alonso ang aktor sa agad na pakikipag-negosasyon sa mag-ina.
Ayon sa sources, hindi sana nauwi sa legal battle ang hindi pagkakasundo ng mag-asawa kung hindi pumayag ang abogado sa mga unang kasunduan ng mag-asawa.
Nabatid na pera ang dahilan ng hindi pagkakasundo ng mag-asawa at tumanggi si Alonso na resolbahin ang problema ng aktor.
Ayon pa sa source, mapupunta umano kay Alonso ang kalahati ng settlement money kung makukumbinse niya si Mary Christine Jolly na pumayag sa mas mababang halaga ng settlement at magagamit umano ang hindi tinukoy na halaga sa movie projects ni Derek.
Sinabi rin ng source na pinoprotektahan umano ni Alonso ang P250-million na signing contract ni Derek sa TV network na pinagtatrabahuhan nito sa nakalipas na dalawang taon.