Kailanman at saanman, mananatiling bahagi ng ating buhay bilang journalist o peryodista ang deklarasyon ng martial law noong 1972. Bagama’t ang kabanatang ito sa kasaysayan ng Pilipinas ay nagdulot ng panganib, sindak at agam-agam sa mga mamamayan, lalo na nga sa ating hanay, lalong nag-alab sa ating damdamin ang mga simulain ng pamamahayag. Hanggang ngayon, makalipas ang halos kalahating dantaon o 50 taon, naririto pa rin tayo at kumakawag-kawag, wika nga, sa larangan ng peryodismo.

Sa paggunita sa deklarasyon ng batas militar, hindi ko na tatangkaing salangin ang masasalimuot na detalye ng naturang pangyayari. Sapat nang sariwain ko ang ilang eksena na naging bahagi ng pakikipagsapalaran ng mga miyembro ng media. Hatinggabi nang mistulang nilusob ng mga sundalo ang tanggapan ng orihinal na Manila Times-Daily Mirror-Taliba (TMT) sa Sta.Cruz, Maynila noong Sept. 21. kasagsagan ng pagsasara namin ng mga huling pahina ng Taliba nang biglang ipinatigil ng nasabing mga kawal ang printing press; pinalabas ang lahat ng tauhan ng mga pahayagan. Natatandaan ko ang nagdudumilat na headline noon tungkol sa Enrile ambush. Dahil sa matinding pagkatakot, halos lakad-takbo naming nilisan ang TMT building, kasama ang ilang panauhin na nagkataong kinabibilangan nina Gen. Rogelio Pureza, Ato Faustino, Tony Mico at iba pa. Sa kasamaang-palad, at dahil marahil sa matinding sindak, ang isa sa aming mga kasama ay isinugod namin sa ospital dahil sa acute appendicitis.

Sa pag-iral ng martial law, laging may pangamba sa hanay ng mga mamamahayag. Ang tabak ni Damocles ay laging nakaamba sa ulo ng mga mamamahayag. Katunayan, marami sa ating mga kapatid sa propesyon ay ikinalaboso sa Camp Crame. Kabilang ang mismong publisher ng aming pahayagan – si Don Chino Roces – at iba pang haligi ng peryodismo sa bansa.

Subalit sa kabila ng nabanggit na mga eksena, marami sa ating hanay ang hindi kinukupasan sa pagpapahalaga sa peryodismo – isang propesyon na mananatiling bahagi na ng ating buhay.
National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso