EFFECTIVE ● Nitong nagdaang mga bagyong “Luis” at “Mario”, nasaksihan natin mabilis na pagtaas ng baha sa maraming lugar sa Metro Manila. Dulot ito ng malakas at matagal na ulan kung kaya umapaw ang ilang kanal. Umabot pa nga hanggang bewang ang lalim ng baha sa ilang mabababang lugar sa Maynila at stranded ang marami nating kababayan na nagpumilit pumasok sa kani-kanilang trabaho. Ngunit marami ang nakapansin na agad ding nawala ang baha matapos ang matagalang ulan.

Dahil sa kampanya ng mga awtoridad tungkol sa hindi paggamit ng anumang bagay na plastic, kakaunti ang plastic at styrofoam materials na bumara sa mga lagusan ng tubig. Aminin na natin, marami sa atin ang namulat na sa katotohanan na mas mainam ang buhay kung sumusunod tayo sa mga pamantayan at patakaran na inuukilkil sa atin ng pamahalaan. “Huwag magkalat” anang karatula sa mga paaralan at tanggapan ng mga barangay. Dati hindi pinapansin ang naturang paalala, pati na rin ang “Mag-recycle”, “Dito itapon ang nabubulok, di nabubulok, at recyclable materials”, at “No Littering”. Pero ngayon, inaani na natin ang kaginhawahan ng ating pagtalima sa simpleng utos. Para sa kampanya ng plastic ban, effective po.

IKINALULUNGKOT NATIN ● Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sampu na ang namatay sa pananalasa ng bagyong si Mang Mario. Halus paluhurin ni Mang Mario ang Regions 1, 2, 3, 4-A, 5, 7, Cordillera, at Metro Manila na ayon sa NDRRMC, apat ang namatay sa Quezon, dalawa sa Montalban, Rizal, isa sa Sto. Niño, Marikina City, dalawa sa Camarines Sur at isa sa Sampaloc, Maynila. Libu-libo naman ang naapektuhan ng bagyo at hitik sa mga residente ang mga itinalagang evacuation center. Ikinalulungkot natin ang sinapit ng ating mga kababayan na hindi nakaligtas sa kalamidad. Dagdag pa rito ang mahigit P100-M pinsala sa imprastraktura at P44M naman ang inanod sa agrikultura. May ilang tulay ang hindi na madaanan dulot ng pagguho ng lupa at baha. Sana, huwag magkaroon ng bad news sa susunod na mga araw – mga balita na nagkakasakit ang mga nasa evacuation center dahil sa kakapusan ng mga pangunahing pangangailangan at paglaganap ng diarrhea, asthma, sipon at ubo lalo na sa mga bata. Maging maagap sana ang mga kinauukulan sa bagay na ito.
National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands