Mahigit 5,000 sundalong Amerikano at Pinoy ang magsasagawa ng joint military exercise upang mapalakas pa ang kanilang kakayahan sa larangang seguridad sa rehiyon, pagresponde sa kalamidad at pagbabantay sa karagatan ng Asia-Pacific.

Ang Amphibious Landing Exercise (PHIBLEX 15) ay isasagawa sa Palawan at iba pang bahagi ng Luzon simula Setyembre 29 hanggang Oktubre 10.

Tinatayang aabot sa 3,500 sundalong Amerikano na nakabase sa Okinawa, Japan at Amerika ang sasabak sa ika-31 edisyon ng PHIBLEX.

Samantala, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay magpapadala ng 1,200 mula sa Marines, Navy, Army at Air Force upang makasama ng mga sundalo ng 3rd Marine Expeditionary Brigade at Commander, Task Force 76 sa taunang pagsasanay.

Probinsya

84-anyos na lola, minaltrato ng manugang; sinilaban ng buhay!

Bahagi ng PHIBLEX 15 ang command post exercise upang maging bihasa sa komunikasyon, field training exercise na gagamit ng maliliit na armas at live-fire artillery, amphibious operations, ship-to-shore movement, combined arms training, civil-military operations at humanitarian at civic assistance projects.

Ayon kay Lt. Cdr. Marineth Domingo, Philippine Navy-Public Affairs Office (PAO) director, isasagawa ang amphibious operations training sa Palawan habang ang mga noncombatant evacuation operations ay ikinasa sa Subic sa Zambales at Clark sa Pampanga. Lalarga rin ang pagsasanay sa mechanized assault operation sa Zambales, ayon sa opisyal. - Elena Aben