Tatlong Wushu fighter ang sasagupa ngayong hapon sa Sanda event para sa siguradong tansong medalya para sa Team Pilipinas na patuloy na naghahanap ng ginto sa ginaganap na 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Itinala ng Sanda fighters na sumabak noong Sabado ng hapon ang perpektong tatlong panalo sa kani-kanilang laban upang umusad sa krusyal na quarterfinals ngayong araw. Sakaling magwagi, sigurado na ang mga atleta na makasusungkit ng tansong medalya.

Unang nagtala ng panalo si Jean Claude Saclag sa pamamagitan ng WBR (winner-by-round) sa nakalaban mula sa Myanmar na si Lin Tun Kyaw (2-0) sa Round of 16. Sunod nitong makakasagupa si Hendrik Tarigan mula Indonesia sa quarterfinal round sa Ganghwa Dolmens Gymnasium.

Nagwagi rin sa Women’s Sanda -52kg sa Round of 16 si Divine Wally sa iskor na 2-0 (WBR) kontra Ho Yee Chao ng Hongkong. Sunod na makakalaban ni Wally ang mula naman sa host na Korea na si Hyebin Kim.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Tinalo naman ni Francisco Solis sa Men’s Sanda – 56kg Round of 16 si Ur Rehman Shams mula Pakistan sa iskor na 2-0 (WBR). Makakasagupa nito sa quarterfinal ang mula Hongkong na si Ting Hong Wong. Sisimulan naman ni Clementra Tabugara ang sariling kampanya para sa medalya sa Men’s Sanda -65kg Round of 16 sa pagsagupa nito kay Mohsen Mohammadseifing Iran, habang nakatakda ring sumagupa sa women’s -63 kg Round of 16 si Kiyomi Watanabe kontra Gulnar Hayytbayeva mula sa Turkmenistan gayundin si Gilbert Ramirez sa Men’s -73 kg. Round of 16 kontra kay Dastan Ykybayev ng Kazakhstan sa Dowon Gymnasium.

Samantala, winalis ng Pinoy netters ang Mongolia sa men’s lawn tennis sa team event matapos biguin ni Ruben Gonzales Jr. ang nakatapat na si Badrakh Munkhbaatar sa unang singles matach, 6-2, 6-2 (2-0) sa loob ng 1 oras at 35 minuto.

Sinundan ito ni Patrick John Tierro sa pagtatala ng 6-4, 6-2 (2-0) panalo sa ikalawang singles match kontra Erdenebayar Duurenbayar sa loob lamang ng 1 oras at 10 minuto.

Kinumpleto nina Gonzales at Treat Conrad Huey ang dominasyon ng Team Pilipinas matapos magwagi sa doubles sa matinding 6-0, 6-0, (2-0) panalo sa loob lamang ng 34 na minuto kontra Oyunbat Baatar at Sukhjargal Sukhbaatar.

Habang isinusulat ang artikulong ito, nagbubuno ang men’s tennis team at Chinese Taipei, habang sunod namang makakalaban ng Pinay netters na sina Denise Dy at Katharine Lehnert ang host na Korea.

Lalangoy naman ngayong araw ang London Olympian na si Jessie Khing Lacuna sa Men’s 200m Freestyle - Heat 1 sa Munhak Park Tae-hwan Aquatics Center habang sasabak sa ikalawang araw ng eliminasyon sa Trap Men’s Qualification sina Eric Ang at Hagen Alezander Topacio.

Magtatangka ring makapasok sa kailangang walo ang Olympian na si Jasmine Alkhaldi sa women’s 100m Freestyle - Heat 3 sa Munhak Park Tae-hwan Aquatics Center.

Magbabalik din sa pagsagwan ang 2-time Olympian na si Benjamin Tolentino Jr. sa pag-asam na magkuwalipika sa kampeonato sa Lightweight Men’s Single Sculls Repechage 1 sa Chungju Tangeum Lake Rowing Center.