BOSTON – Makikipagpulong si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert del Rosario sa mga lider ng Filipino-American community sa Amerika hinggil sa hakbang na mabigyan ng temporary protected status (TPS) ang may 200,000 undocumented Pinoy sa bansa.
Ayon kay Philippine Ambassador to Washington Jose Cuisia Jr., ang grupo ng Fil-Am ang humiling na makapulong si Del Rosario na kabilang sa delegasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang working visit sa US.
Inihayag din ni Cuisia na nakipagpulong siya at ibang lider ng Fil-Am community sa assistant secretary ng Department of Homeland Security (DHS) sa Washington, D.C. hinggil sa isyu.
“They were assured by Assistant Secretary Alan Bersin that they would take into consideration all the comments made by the Filipino-American leaders,” pahayag ni Cuisia.
Aniya, aalamin ng gobyerno ng Amerika ang mga kondisyon sa pagkukonsidera kung ang Pilipinas ay kuwalipikado o hindi sa TPS program.
Sa ilalim ng TPS, papayagan ang mga kuwalipikadong Pinoy, na walang kaukulang US residency document, na manatili sa Amerika nang mahabang panahon habang hinihintay na makabangon sa epekto ng kalamidad sa Pilipinas. - JC Bello Ruiz