TAGBILARAN CITY, Bohol – Sa tulong ng isang dating gobernador ng Bohol at isang konsehal ng Tagbilaran City, pinalaya ng korte ang isang itinuturong lider ng New People’s Army (NPA) mula sa Bohol Detention and Rehabilitation Center (BDRC) matapos makapaglagak ng P500,000 piyansa.
Dating may patong sa ulo na P5.4 milyon, matapos ipakita nina City Councilor Adam Relson Jala at dating Bohol officer in charge na si Victor De La Serna ang court release order na nilagdaan ni Judge Suceso Arcamo sa BDRC warden ay pinalaya si Roy Erecre, umano’y lider ng Komiteng Rehiyonal Sentral Bisayas (KRSB) mula sa BDRC facility sa Cabawan District, Tagbilaran City noong Biyernes ng madaling araw.
Agad na dinala ni Jala sa tahanan niya sa Dao District, na roon tinagpo si Erecre ng kanyang pamilya at nagsalu-salo sila sa hapunan.
Si Erecre, na itinuturong papalit sa naarestong NPA leaders na sina Benito at Wilma Tiamzon, ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya noong Mayo 6.
Ang mag-asawang Tiamzon ay nadakip sa hideout ng mga ito sa Cebu noong Marso 22. - Mike Ortega Ligalig