Lumitaw na may butas ang pagpapairal ng public-private partnership (PPP) scheme ng gobyerno sa Light Rail Transit (LRT) Line 1 Cavite expansion project, na mas malaki ang pakinabang ng kumpanyang mangangasiwa rito sa larangan ng kita kung ihahambing sa serbisyong maibibigay nito sa publiko.

Ayon sa IBON Foundation, sa halip na magbigay ng serbisyo publiko sa mamamayan, ang PPP scheme ay nagiging instrumento upang matiyak ang kikitain ng mga private provider.

Gagastos ang gobyerno ng halos P30 bilyon o mahigit sa kalahati ng P64.9-bilyon sa kabuuang halaga ng LRT 1 CavEx Project habang ang Light Rail Manila (LRM) Consortium ay gagastos ng P39.4 bilyon para sa civil work, kabilang ang P9.4-bilyon negative bid.

Ang LRM Consortium ay isang joint venture ng Metro Pacific Investments Corp. (MIPC) ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan at ng AC Infrastructure Holdings Corp. ng Ayala Group, ang nag-iisang bidder sa proyekto.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sa ilalim ng kasunduan, obligado ang gobyerno na magbayad ng tinatayang P64-bilyon real property tax sa proyekto, na kinokonsiderang malaking tax exemption para sa LRM Consortium. Bunsod nito, lahat ng commercial operation sa lokasyon ng proyekto ay exempted sa pagbabayad ng real property tax at sa halip, ang lahat ng revenue nito ay mapupunta sa consortium.

Ayon sa IBON, ito ay patunay na ang pondo ng gobyerno ay nagagamit bilang subsidiya ng malalaking kompanya na walang hangad kung hindi ang kumita nang limpak-limpak.

Bukod dito, papayagan agad ng gobyerno na magtaas ng pasahe simula sa 20 porsiyento hanggang 100 porsiyento—na itinuturing bilang “notional fares”—depende sa layo ng biyahe.

Kapag nakumpleto ang konstruksiyon ng LRT 1 CavEx, agad na ipatutupad ang limang porsiyentong fare hike, ayon sa grupo.

Magkakaroon din ng programmed periodic adjustment ng pasahe ng halos 10 porsiyento kada dalawang taon, tinatawag na inflation-rebasing sa kada apat na taon, at pass-on of power cost fluctuation na aabot sa limang porsiyento ng notional fare. - Carlo Suerte Felipe