Ni ALYSSA JANE AVELLANOSA, trainee

HINDI na sa Internet lamang maaaliw ang matitiyagang nagbabasa sa Wattpad novels kundi pati sa panonood ng mga paborito nilang Wattpad story sa telebisyon dahil magsisimula nang umere ngayong gabi sa TV5 ang daily primetime mini-series na Wattpad Presents.

Nagsimula ang Wattpad noong 2006 at sa loob lamang ng walong taon, mayroon na itong 35 million users at ang limang milyon nito ay mga Pilipino. Naging kasangkapan ng maraming young writers ang Wattpad para mailahad ang sinulat nilang mga istorya dahilan para lumaki nang lumaki ang bilang ng kanilang readers. Patok na patok ang ilang Wattpad stories at nailimbag pa bilang libro sa tulong ng LIB Creatives Publishing at nagawan na rin ng pelikula.

Malaking tipid ito para sa fans ng Wattpad dahil hindi na nila kailangan pang bumili ng ticket sa sinehan para mapanood ang paborito nilang Wattpad story. Kada linggo, isang istorya ang ipapalabas gabi-gabi sa TV5.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pagsisimula ng Wattpad Presents, mapapanood ang My Tag Boyfriend ni Maevelanne na may 15.2 million readers. Tungkol ito sa Facebook addict na si Sitti Sandoval (Jasmine Curtis) na aksidenteng maita-tag ang campus heartthrob na si Kaizer Buenavista (Sam Concepcion) sa kanyang Facebook status. Papatulan ni Kaizer ang pagkakamali ni Sitti na magiging ugat ng nakakatawa at nakakakilig na samahan ng dalawa.

Isusunod naman simula sa September 29 ang Mr. Popular Meets Ms. Nobody ni Pinkyjhewelii na pagbibidahan ng Artista Academy scholar na si Mark Neumann bilang Kyle Shin-Woo, ang perfect guy na mahuhulog ang loob sa ordinaryong dalaga na si Chelsea Torres (Shaira Mae dela Cruz). Nakatakda namang ipalabas simula October 6 ang Poser ni Maxinejiji, na tungkol sa nabuong pag-iibigan nina Brix Torres (Akihiro Blanco) at Jammy Ocampo (Chanel Morales) dahil sa iba’t ibang kasinungalingan. Huling ipapalabas ang Almost a Cinderella Story ni Soju na magsisimula sa October 13. Ang istorya ay tungkol paghahanap ni Alden (Carl Guevarra) ng sariling Cinderella na matatagpuan niya sa katauhan ni Ekang (Eula Caballero).

Sabay-sabay na tumawa, mainis, umiyak at kiligin sa ibat iba’t kuwentong pag-ibig hatid ng Wattpad Presents, premiere telecast na ngayong 7:00 PM sa TV5.