Ni ELENA L. ABEN
Sampung katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong ‘Mario’ (Fung-Wong) habang nasa P144 milyon ang naitalang pinsala ng bagyo sa agrikultura at imprastruktura, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon sa huling datos ng NDRRMC, kinikilala ang mga nasawi na sina Hermegildo Duma, 58, Barangay Sto. Niño, Marikina; Eduardo Lelis, 60, ng Sipocot, Camarines Sur; Conrado Bergonio, ng Ragay, Camarines Sur; Ernesto Guevarra, 55, ng Quezon City; at John Pabello Faller, 19, ng Taytay, Rizal. Lima sa mga ito ang namatay sa pagkalunod.
Ang isa sa mga nasawi, na noong una ay ayaw pangalanan, ay kinilalang si Siegfried Nathan Arcilla, 22, ng Cubao, Quezon City, na namatay matapos makuryente.
Pito naman ang nasugatan.
Samantala, tinaya sa P144,066,165 ang kabuuang pinsala sa mga pananim at imprastruktura sa mga apektadong lugar sa Luzon.
Ayon sa NDRRMC, ang Ilocos Norte ay nakapagtala ng P48,476,165 halaga ng pinsala sa agrikultura: P45 milyon sa palayan, P67,500 sa maisan, P2,583,665 sa high-value commercial crops, P650,000 sa pangisdaan at P175,000 sa hayupan.
Nasa P1,850,000 naman ang pinsala sa imprastruktura sa Barangay Caribquib, Banna, Ilocos Norte.
Nakapag-ulat din ang Pangasinan ng P2,400,000 halaga ng pinsala sa imprastruktura, habang iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kabuuang P91.34 milyon pinsala sa mga kalsada sa Regions 1, 3, CAR at sa Metro Manila.
Batay sa datos kahapon ng umaga, sinabi ng NDRRMC na 75 kalsada at tatlong tulay ang hindi pa rin madaanan sa Ilocos, Cagayan Valley, Central at Southern Luzon, Bicol, Central at Eastern Visayas, Metro Manila at Cordillera.
Nananatili namang lubog sa baha ang 222 lugar sa Metro Manila, Laguna, Rizal, Batangas at Cavite.
Naapektuhan ng Mario ang 183,188 pamilya o 840,368 katao sa Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, 7, CAR at Metro Manila.
Sa kabuuang populasyon ng mga sinalanta, 42,897 pamilya o 197,509 na katao ang nasa mga evacuation center pa rin.