MAY nakapagsabi: “Kapag hinuhuli mo ang dalawang isda, pareho itong makaaalpas.”
Nahihirapan ka bang mag-focus? Nagmu-multi-task ka ba at nawawala ang focus mo sa mas mahalagang trabaho? Nais mo bang magkaroon ng focus na kasintalim ng blade? Alam mong hindi naman mapurol ang iyong pag-iisip at walang madaling lunas sa ganitong pangangailangan. Ang kailangan mo lang ang gumaganang proseso at disiplina upang magkaroon ng focus na kasintalas ng blade.
Narito ang ilang paraan upang matamo ang matalas na focus gamit ang kapangyarihan ng iyong isip:
- Alisin ang distractions. - Maraming bahagi ito. (1) Planuhin ang iyong araw. Pahihintulutan nito ang iyong isip na huwag mag-alala dahil na-schedule mo na ang mahahalaga mong gagawin ayon sa priyoridad. (2) Alisin ang nakakalat sa iyong desk. Mabilis mong gawin ito; ilagay kamang sa isang bahagi ng iyong mesa o ikahon mo pansamantala saka mo balikan ang pag-aayos ng mga iyon kapag may panahon ka na. (3) Isara ang mga computer program na walang kinalaman sa iyong trabaho. (4) Bawasan ang ingay sa iyong paligid kung applicable. Wala munang TV, radio, music player. Kung masyadong maraming ingay sa iyong paligid, gamitin ang headphones at makinig sa iisang musika sa iyong cellphone o computer. Piliin mo rin ang musikang makapagdudulot sa iyo ng gana at enerhiya. Huwag mong sagutin ang telephone.
- Mga visual na tagapagpaalala. - Marami sa atin ang nakaaalala ng anuman kapag nakakita ng isang bagay na madaling iugnay sa mga iyon. Kung ikaw iyon, lumikha ka ng isang bagay na makapagpapaalala sa trabahong ginagawa mo. Puwede itong dilaw na note na nakadikit sa gilid ng iyong computer screen o sa reminder feature ng iyong cellphone. Nang matuto akong gumamit ng reminder feature ng aking cellphone, ito na ang nagpapaalala sa akin ng aking mga deadline, kung ano ang dapat kong ginagawa sa partikular na araw na iyon at kailan ko dapat matapos. Pati ang pagtatakda kung kailangan ako magbabayad ng aking bills at kung sinu-sino ang dapat kong batiin ng happy birthday. Itatala ko lang sa reminder feature ng aking cellphone ang mga impormasyon at ito na ang nagsisilbi sa akin bilang tagapagpaalala.