Bahagi na ng pamumuhay sa Pilipinas ang mga bagyo; at halos 16 sa mga ito ang dumarating nang walang patlang taun-taon. Nagsisimula ang mga ito sa gitna ng Pacific Ocean at kumikilos pa-kanluran o pakanlurang hilaga-kanluran. Halos lahat ng mga iyon ay tumatama muna sa Pilipinas bago lumabas patungo sa iba pang bansa sa Asia.
Ang habagat na nagsisimula sa huling bahagi ng Mayo o unang bahagi ng Hunyo ay bahagi na rin ng pamumuhay sa Pilipinas. Makalipas ang nakapapasong tag-araw, malalakas naman ang hahampas mula sa timog-kanluran, na may dalang water vapor ula sa dagat na nasa equator. Kapag tumama ang mga iyon sa lupa sa western Visayas at western Luzon, umaangat ang mga iyon sa mas malamig na hangin at natitipon ang water vapor at bumubuhos bilang ulan. Ito na ang tag-ulan ng Pilipinas.
Kung may low-pressure area, tropical depression, o bagyo ang nabubuo sa hilaga-silangang bahagi ng bansa sa panahon ng tag-ulan, pinatitindi nito ang habagat. Kasunod na ito ang malalakas na hangin ng bagyo at matinding ulan.
Bago dumating itong mga bagyong “Luis” at “Mario”, nagdurusa sa matinding traffic ang Metro Manila. Nagpatupad si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ng truck ban ngunit nagdulot iyon ng isa pang problema – ang pagkabigo ng mga negosyo sa Metro Manila dahil hindi mai-deliver ang mga kargamento sa takdang panahon at nalugi. Ngunit noong 2012, isang pag-aaral hinggil sa problema sa traffic ng Metro Manila ang isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na naglista ng mga dahilan ng naturang problema, partikular na ang kakapusan ng imprastraktura o road system. Nagrekomenda ito ng isang roadmap na gugugol ng 15 taon at mangangailangan ng trilyun-trilyong piso ng gobyerno at puhunan mula sa pribadong sektor.
Marahil ang kailangan lang natin ay iisang programa na sasaklaw sa parehong problema ng traffic at baha sa Metro Manila. Ito ay magiging malaking pagsisikap na mangangailangan ng malawak na resources at gugugol ng mahabang panahon. Ngunit mayroon pa rin tayong mga bagyo at mas lalala ang problema sa traffic habang lumalago ang ating ekonomiya. Kailangan na nating simulan ang pagpaplano ng magkakatugmang hakbang hinggil sa magkaugnay na mga problemang ito.