‘Saludo sa mga Magsasakang Pilipino’
Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA
WALONG iba’t ibang klase ng fried rice at isang native delicacy na puto bumbong ang muling itinampok ng Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB) nitong Setyembre 11-13 bilang bahagi ng taunang selebrasyon ng Hotel and Restaurant Tourism Week sa siyudad ng Baguio.
Ang walong fried rice ay ang Pesto and Tuna Fried Rice at Lechon Fried Rice ng Baguio Country Club; Le Chef at the Manor; Rose Bowl Fried Rice; Giligan’s Fried Rice ng Giligan’s Island Bar and Restaurant; Hamonado and Garlic Longganisa Fried Rice ng Alabanza Meat Store; Kalapaw, a taste of Laoag Seafood Binagoongan Fried Rice; Yang Chow Fried Rice ng Golden Pine Hotel; Aros de Pobre Brazilian Rice ng Mario’s at Puto Bumbong na gawa sa bigas na malagkit ng Solibao Restaurant.
Ito ang ikalawang pagtatampok ng Rice and Shine na may temang “Developing Filipino Culinary Leaders of the Future”. Ang una ay noong 2011. Ang “rice” ay bilang pagkilala sa mga magsasaka at ang “shine” naman ay kumakatawan sa Baguio.
Inilagay ang siyam na putahe sa walong malalaking pan na may sukat na 22 feet diameter. Umaabot ito sa anim na kaban ng bigas o 800 kilo, bukod sa libu-libong iba pang sangkap nito. Pagkatapos ng programa ay ipinakain ang fried rice sa mahigit 8,000 katao na dumalo sa pagdiriwang.
Ang okasyon na isinasagawa ng HRAB bawat taon, ay hindi lamang sa kasiyahan ng mga mamamayan kundi bilang pagkakaisa at promosyon ng mga negosyante at bilang bahagi rin ng kanilang pagtulong sa mga estudyante at paghikayat sa mga turista.
Mahigit sa 1,000 HRM at HRMT students mula sa iba’t ibang unibersidad sa Cordillera, Northern at Central Luzon ang nakikilahok sa mga aktibidad na ini-handa para ipakita ang kanilang kaalaman at talento na kanilang magagamit sa hinaharap. Ang bawat patimpalak ay may kaakibat na premyo at scholarship program. Ang ilan sa highlights ng HRT ay ang Mr. and Miss HRAB, culinary showdown, ice breakers, fruits and vegetable curving, bar tendering, desserts flambe, chef wars, floral bouquet designs at maraming iba pa.
Happy Fried Rice Festival | Happy Fried Rice Festival | Happy Fried Rice Festival |