Kung merong mga namumuno na maaga pa lamang ay nagpahayag na ng kanilang kagustuhan na magpalit ng kanilang coaches, kabaligtaran naman ang kaso ng basketball team ng Emilio Aguinaldo College.
Mimsong ang coaching staff at sampu ng kanilang players ang humihiling na palitan ang kanilang tumatayong team manager maging ang kanilang NCAA management committee representative.
Sang-ayon sa isang miyembro ng koponan, na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan para na rin sa kanyang pansariling proteksiyon, sinabi nitong hindi kasundo ng buong team magmula kay coach Gerry Esplana hanggang sa assistant coaches nito at mga manlalaro ang kanilang team manager na si Estifanio Boquiron at ang ManCom representative na si Marlon Carlos.
Hindi na umano nasisiyahan ang koponan sa ginagawang aksiyon at pag-asiste sa kanila ng mga nabanggit ng kanilang management kaya naman nais nilang magbitiw na lamang ang mga ito sa kanilang tungkulin.
Ayon pa sa nasabing insider, kahit ang mga coach ng ibang events, hindi lamang sa basketball, ay nagrereklamo na rin sa performance ng mga nasabing opisyal.
Sinabi rin ng insider na nagpatawag na ng meeting sa buong team ng Generals si EAC president Dr. Jose Paulo Campos para personal na marinig mula sa mga kinauukulan ang kanilang mga hinaing.
Para naman sa kanilang panig, sinabi ni Carlos na magsasalita sila at maglalabas ng official statement ngayong araw na ito sa laban ng EAC at Mapua ngayong hapon sa Fil-Oil Flying V Arena para sa pagpapatuloy ng Season 90 basketball tournament second round.